Ipinagkaloob ng Provincial Government sa pangunguna ni Gov. Aurelio Umali ang mga kagamitan sa bukid bilang ayuda sa mga magsasaka sa bayan ng Laur.
Namahagi ng sampung water pumps at mga water pipes ang Pamahalaang Panlalawigan bilang tulong sa mga magsasaka sa mga Brgy. San Vicente, Siclong at San fernando, sa bayan ng Laur.
Sa kwento ni Mang Reynaldo, isang magsasaka, hindi naging madali sa kanila ang pagtatanim ngayong panahon ng taniman dahil nasira ng bagyong lando ang kanilang irigasyon at natabunan ng banlik ang kanilang mga bukirin.
Aniya, kinailangan muna nilang ipasuro sa bulldozer ang kanilang palayan upang muling makapagtanim.
Pitong distrito ang gagamit ng mga ipinamahaging water pumps, kung saan mahigit kumulang sa isang daan at limampung magsasaka ang makikinabang dito.
Karaniwan sa mga magsasaka ay walang kakayahang bumili ng sariling water pump, kaya’t napipilitan na lang sila na umupa ng patubig upang patubigan ang kanilang mga sakahan.
Nawalan na umano sila ng pag-asang makapagtanim muli sanhi ng pinsalang idinulot ng bagyo, ngunit dahil sa agarang pagtugon ng provincial government ay hindi na sila nangangamba pa na mawalan ng ikabubuhay.
Ayon kay Alejandro Lulunan, Pangulo ng Irrigators Association, hindi lang pag-asa ang ibingay sa kanila ng Pamahalaang Panlalawigan, kundi maging ang kaginhawahan na magkakaroon na sila ng magandang ani at kita sa mga susunod na anihan.
Ang karaniwan sa mga tanim sa naturang bayan ay sibuyas, palay at gulay. -Ulat ni Danira Gabriel