Pinagtibay ng mga kinatawan ng iba’t ibang katutubo, Academe, Non-Government Organizations, mga opisyal at kawani ng mga ahensiya ng gobyerno at mga local na pamahalaan sa Rehiyon 3 ang pagtatalaga ng kanilang mga sarili  upang pangalagaan ang natitirang likas na yaman ng bulubundukin ng Sierra Madre.

Ang mga miyembro ng binubuong Sierra Madre Council mula sa lalawigan ng Aurora, Bulacan, at Nueva Ecija.

Ang mga miyembro ng binubuong Sierra Madre Council mula sa lalawigan ng Aurora, Bulacan, at Nueva Ecija.

   Sa pamamagitan ng kasunduan na pinagkaisahan ng mga miyembro ng binubuong Sierra Madre Council, tinukoy ang mga aktibidad at proyektong nakapaloob sa mga programang pangkaunlaran na nakikitang banta sa paglala ng pagkawasak ng kalikasan.

   Pangunahin ang logging, mining, pagtatayo ng malalaking dam, pagpapalit ng gamit ng lupa, dislokasyon ng mga mahihirap na mamamayan at pagpapalayas sa mga katutubo sa Lupaing Ninuno.

   Sa harap ng mga nabanggit na suliraning pangkalikasan, magsisilbing tagapagbantay at kalahok ang mga miyembro ng SMC upang mapigilan ang mga ito.

Mga proyekto, aktibidad na makasisira sa kalikasan, pipigilan ng Sierra Madre Council

   Kabilang sa mga tungkulin na kanilang gagampanan ang pag-oorganisa at pagpapalakas ng kamalayan ng mga apektadong sektor ng lipunan upang lumahok sa pamamahala, pagbabalangkas ng mga bago at angkop na batas, programa, at patakaran para sa kalikasan.

   Patuloy na pakikipag-ugnayan sa mga ahensiya ng pamahalaan kagaya ng DENR, LGUs, at iba pang mga Pos para sa mga programang pangkalikasan upang tugunan at resolbahin ang lumalalang kalagayan ng Sierra Madre.

   Isusulong din ng Council ang pagtataguyod ng mga kabuhayan bilang alternatibong pagkakakitaan ng mga mahihirap na mamamayan na umaasa sa produktong gubat. Pagpapaunlad sa maka-kalikasang teknolohiya sa produksyon at pangangalaga sa kalikasan tulad ng agro-forestry, eco-tourism, bamboo, at organic farming.- ulat ni  Clariza de Guzman