Inaprubahan ng walang pagtutol ng Provincial Development Council ang Php82.5-M na Supplemental Annual Investment Program ng pamahalaang panlalawigan ng Nueva Ecija para sa taong 2019.

Pangunahin sa pinaglaanan ng pondong Php24-Million ang Transportable Thermal Hospital Waste Management Equipment para sa mga basurang itinatapon ng mga District Hospitals.

Php2-Million naman ang para sa Asphalt Overlay ng Jaen-San Isidro Bridge. Paliwanag ni Engineer Dennis Agtay ng Provincial Planning and Development Office, bagaman may sira ang naturang tulay ay nadadaanan pa rin ito.

Ang Jaen-San Isidro Bridge na isa sa mga pinondohan ng pamahalaang panlalawigan para ipaayos.

Nagkakaroon aniya ng pagsisikip ng daloy ng trapiko dahil nagsisilbi itong alternatibong ruta ng mga motorista dahil kasalukuyang ginagawa ang Gapan Bridge.

Habang hinihintay na makumpuni ng Department of Public Works and Highways ang tulay ay palalagyan muna ito ng aspalto ng pamahalaang panlalawigan.

Naglaan din ng Php1.5-Million para sa Asphalt overlay of Jaen Bridge.

Habang ang Php10-Million na budget for 2018 Development Fund na hindi nagalaw ay gagamitin sa pagbubukas ng bagong kalsada na magdurugtong sa mga barangay ng San Vicente, Dampulan, Sapang and Niyugan sa bayan ng Jaen. Inaasahang sisimulan ang First Phase nito ngayong taon.

Nakalinya rin ang rehabilitasyon ng gusali ng New Capitol sa Palayan City at Old Capitol Building sa Cabanatuan City.- ulat ni Clariza de Guzman