Ibinalita ni Senator JV Ejercito sa mga Farmers Leaders at mga Barangay Officials sa kanyang pagbisita sa Bayan ng Guimba na naipasa na upang maging ganap na batas ang RA 10845 o ang Anti-Agricultural Smuggling Act of 2016 na iniakda nito, na magbibigay ng proteksyon sa mga magsasaka laban sa mga Illegal Traders at Importers sa bansa.
Sa kanyang talumpati, sinabi nito na isa sa mga rason kung bakit ang sektor ng agrikultura ay tila napabayaan at tila namamatay na ay dahil sa hindi mapigilan na pagpupuslit ng bigas, sibuyas, bawang at iba pang produktong pang-agrikultura.

Ipinagmalaki ni Sen. JV Ejercito ang kanyang akdang batas na magbibigay ng proteksyon sa mga magsasaka mula sa mga Illegal Traders at Importers.
Kung noong panahon aniya ng 60’s at 70’s ay ang mga banyagang bansa ang nagtutungo dito sa Pilipinas upang mag-aral tungkol sa produksyon ng palay, ngayon ay ang Pilipinas na aniya ang bumibili ng mga agricultural products sa kanila.
Dagdag nito, kasabay ng pagpasok ng mga smuggled na bigas sa bansa, ay bumabagsak naman ang presyo ng palay ng mga magsasaka.
Marami din aniya sa mga negosyante sa bansa na sa halip na tulungan ang mga magsasakang Pilipino na bilhin ang kanilang mga aning palay ay mas pinipili nilang ibenta ang mga smuggled na bigas mula sa bansang China at Vietnam.
Ayon pa sa Senador, upang solusyonan ang suliraning ito ng mga magsasaka ay kinakailangan itong ikategorya bilang economic sabotage o heinous crime na may parusang pagkakakulong ng habang-buhay.

Sen. JV Ejercito kasama ang mga Kawani at Opisyal ng Munisipyo ng Guimba at mga magsasaka.
Samantala, nabigyan din ng pagkakataon ang mga magsasaka upang isangguni at ilahad sa Senador ang iba pang suliranin ng mga ito, kabilang ang usapin sa mababang presyo ng palay tuwing anihan, libreng patubig sa bukid, wala sa ayos na mga canal na sinusuplayan ng tubig, at pagkakaroon ng libreng crop insurance.
Nangako naman si Senator Ejercito na pag-aaralan at susuriing mabuti ang mga suliranin at mungkahing ito ng mga magsasaka upang mapabilang sa mga umiiral na batas ng Pilipinas. –Ulat ni Jovelyn Astrero