Pinagusapan sa ginanap na Global State of Biotechnology ang mga benepisyong makukuha sa paggamit ng mga makabagong teknolohiya sa agrikultura na lubos na makikinabang ang mga magsasaka na idinaos kahapon, September 5, sa Philippine Rice Research Institute, Science City of Muñoz.

Ito ay dinaluhan ng humigit kumulang dalawang daang partisipante na kinabibilangan ng mga magsasaka, estudyante at kinatawan ng mga barangay at Local Government Units (LGU’s).

Ayon kay Institute for International Crop Improvement- Executive Director Dr. Donald Mackenzie, ang biotechnology ay makatutulong sa mga magsasaka na mapataas ang kanilang ani, mapalaki ang kita at makaiwas sa paggamit ng pesticides.

Pabor naman dito ang magsasaka na si Faustino Medina dahil makakamenos siya sa pagbili ng insecticides.

Sang-ayon din ang Senior High School Student ng Muñoz National High School na si Joeffrey Patungan.

Isa sa produkto ng biotechnology ang ikalawang bersyon ng Genetically Modified Organisms (GMOs) na Golden Rice na mainit na pinag-uusapan ngayon sa bansa.

Paliwanag ni Mackenzie, hindi man lubos na matutugunan ng Golden Rice ang kakulangan sa Vitamin A ng mga Pilipino ay malaki naman ang maitutulong sa pagbawas ng kakulangan nito.

Siniguro naman ni Mackenzie na ligtas at epektibo ang pagkain ng Golden Rice, na napatunayan na rin umano ng ilang eksperto.

Umaasa siya na payagan na sa Pilipinas ang pagtatanim at paggamit ng Golden Rice. –Ulat ni Danira Gabriel