Bago pagtibayin sa ika-apat na pu’t tatlong Regular na Pagpupulong ng Sangguniang Panlungsod ng Cabanatuan ang kahilingan ni City Mayor Julius Cesar Vergara na mapondohan ang ilang mga pahabol na proyekto para sa 2017 ay nagdeklara ng “with reservations” sina Vice Mayor Anthony Umali at Konsehal Nero Mercado kaugnay ng Earth Dike Project.

Ayon kay Vice Mayor Anthony Umali, mayroon siyang ilang mahahalagang obserbasyon kaugnay ng proyektong Earth Dike, na hindi nabigyan ng paliwanag at hindi nabanggit sa ginanap na Committee Hearing.

Isa dito ay ang halagang P397-M na sinasabing kabuuang halaga na gugugulin para sa 16 kilometers ng nasabing proyekto ay nakalaan para lamang pala sa maintenance ng mga equipment na gagamitin kasama ang gas at sweldo ng mga manggagawa.

Habang ang mga kukuhaning bato, buhangin, clay at boulders na ipantatambak para sa Earth Dike ay hihingan ng gratuitous permit mula sa Provincial Government.

Dagdag ni Umali, nangangahulugan na ang Earth Dike ay hindi lamang pala solong proyekto ng City Government kundi maging ng Pamahalaang Panlalawigan ng Nueva Ecija.

Nauna dito, sa ginanap na Committee Hearing noong biyernes, October 20, nang hanapin ni Vice Mayor Umali ang hinihinging dokumento na nagsasaad ng rekomendasyon mula sa Mines and Geo Science Bureau at iba pang ahensya ng gobyerno ay isang presentasyon ang ipinakita ng City Disaster and Risk Reduction Management Office.

Ayon sa presentasyon, ang Earth Dike ay base umano sa Inter-agency design at base din umano sa legal opinion ng iba’t ibang ahensya tulad ng PAG-ASA, MGB, NIA, at UP na nakikita umanong solusyon sa tubig baha.

Sinabi ni Umali na hindi sapat ang naipakitang presentasyon noong biyernes, sapagkat ang hinahanap nito ay mga dokumento na nagsasaad ng rekomendasyon, assessment at konklusyon ng mga tinutukoy na mga ahensya patungkol sa kanilang pag-aaral kaugnay ng problema sa baha ng lungsod.

Giit ni Umali, responsibilidad ng City Government at hindi ng mga ahensyang nagbigay umano ng legal opinion ang pagpapatayo ng Earth Dike.

May ilan ding reserbasyon si Konsehal Nero Mercado kaugnay sa proyekto bunsod ng hindi umano malinaw na programa ng Earth Dike.

Tulad ni Vice Mayor Umali, hindi rin kontento si Konsehal Nero sa nilalaman ng presentasyon at iginiit ang rekomendasyon na magmumula sa mga nabanggit na inter-agency.

Sa mosyon ni Majority Floor Leader Konsehal Ejay Joson na pinangalawahan ni Konsehal Froilan Valino para sa adaption at approval ng Committee Report ng Committee of the Whole kaugnay ng Supplemental Budget, ito ay pinagtibay ng Sangguniang Panlungsod.

Sa hiwalay na panayam kay Vice Mayor Umali, mariin nitong sinabi na kulang-kulang ang mga detalyeng ibinigay sa kanila patungkol sa naturang proyekto at marami pang mga bagay ang dapat na nabigyan ng kalinawan.—Ulat ni Jovelyn Astrero

https://youtu.be/-t1xisC9Daw