Pansamantalang ipinasara ang zipline sa bayan ng Cuyapo dahil nais umanong tiyakin ng lokal na pamahalaan sa pamumuno ni Mayor Florida Esteban ang kaligtasan ng mga sasakay dito.

Si Mayor Florida Esteban ng Cuyapo habang sinasagot ang mga katanungan ng mga kagawad ng media.
Sa ginanap na press conference ng Nueva Ecija Press Club Incorporated, ibinunyag ni Mayor Flor Esteban na hindi muna ipinagagamit ang zipline na matatagpuan sa Mount Bulaylay, barangay Maycaban, Cuyapo.
Paliwanag nito, napansin niyang nakalundo ang mga kable ng zipline habang nakatali lamang sa puno ang dulo nito kaya ipinatigil muna ang operasyon nito.

Pansamantalang ipinatigil ang operasyon ng zipline sa Mt. Bulaylay, Cuyapo para masiguro ang kaligtasan ng mga sasakay dito.
Sa kasalukuyan, nakikipag-ugnayan na ang munisipyo ng Cuyapo sa kontratista ng zipline upang ayusin ito para masigurong matibay bago muling ipagamit at buksan sa publiko.
Matatandaan na ang zipline sa Mount Bulaylay ay dinivelop upang maging tourist attraction sa bayan ng Cuyapo. April 27, 2016 nang ito’y basbasan at pasinayaan.-ulat ni Clariza de Guzman