Sinuong ng 7th Infantry Kaugnay Division- Philippine Army, Student leaders, Junior Justice Courage and Optimism (Palayan City Chapter) at Sangguniang Kabataan members ang maulang panahon upang magtanim ng isang daang Bamboo Seedlings sa loob ng kabundukan ng Fort Ramon Magsaysay Military Reservation sa Palayan City noong August 9, 2018.

Sa aming panayam kay Rogie Sebastian Jr., Administrative Officer ng Provincial Youth Development Office, ang isinagawang pagtatanim  ay ika-apat na aktibidad ng PYDO, kaugnay ng pagdiriwang ng International Youth Day 2018.

Kailangan aniyang tamnan ang parte ng Kabundukan sa kampo partikular sa area 4 ng Fort Magsaysay, upang magkaroon ng mga puno at pananim sapagkat nasalanta ng bagyo ang naturang bahagi ng lugar.

Nagpaabot  pa ng mensahe si Sebastian Jr,  sa mga kasundaluhang umalalay at  Kabataang nakiisa sa pagmamalasakit sa kalikasan.

Hinikayat naman nina Renz Agbulos Lagazo, SK Chairperson ng Caballero, Palayan City,  Shiela Jane G. Flores ng Gen. Tinio at Mary Sweet Liberty Cruz, SK Federation, ang mga kabataan na makiisa sa mga programa ng buong lalawigan.

Nagpapasalamat naman si   Lieutenant Gennalyn J. Peña, 7 Sem O Batallion ng  7th ID sa pamahalaang panlalawigan dahil naging bahagi aniya sila sa isinagawang aktibidades ng mga kabataan.

Matatandaang, pangalawang Tree Planting na ito na pinangunahan ng PYDO sa lalawigan. Una ay ang pagtanim ng Mahogany Trees,  Sta. Rosa Bypass Road kung saan personal na dumalo  sina Governor Cherry Umali, Atty. Oyie Umali at mga anak nito.

Layunin ng programa ay  upang maipahiwatig sa mga  kabataan ang kahalagahan ng pagmamalasakit sa  kapaligiran, malasakit sa kalikasan para mayroon pang  matirang puno, malalasap na sariwang hangin, at makikitang magandang kapaligiran  ang mga susunod pang henerasyon-Ulat ni Getz Rufo Alvaran

https://youtu.be/CZSI-G2POkY