Nagsisimula na ng bagong buhay ang 235 na mga sumukong user ng illegal drugs sa bayan ng Gabaldon sa ilalim ng proyektong Oplan Tokhang ng Philippine National Police.
Inabutan ng Balitang Unang Sigaw noong Sabado, August 20, 2016, 6:00 AM na enjoy na enjoy sa pagsasayaw ng zumba ang mahigit kumulang isandaang users na sumuko sa Gabaldon Police Station.

Katuwang ng Gabaldon PS ang NEUST-Gabaldon sa pagtulong na makapagbagong buhay ang mga sumukong users sa pamamagitan ng pagtuturo ng zumba.
Ayon kay Police Senior Inspector Lawrence Lira, patuloy ang pagpapatupad ng Oplan Tokhang sa Gabaldon na sinimulan noong July 1, 2016 kung saan nakapaloob ang mga programa upang matulungang makapagbagong buhay ang mga gumagamit ng ipinagbabawal na gamot.

Si PSI Lawrence Lira sa panayam ng Balitang Unang Sigaw.
Pangunahin aniya ang “shabu” at Marijuana sa mga illegal na drogang ginagamit ng mga sumuko na nasa edad disiotso hanggang sisenta’y kwatro na nanggagaling umano sa Cabanatuan City at bayan ng Dingalan, Aurora.
Magmula ng simulan ang mga programa ay marami ng sumusuporta sa kapulisan, una na ang local na pamahalaan ng Gabaldon, Nueva Ecija University of Science and Technology-Gabaldon Campus, at mga religious sector na tumutulong sa moral recovery ng mga naadik sa droga. – ulat ni Clariza de Guzman