Patay ang driver ng isang motorsiklo matapos sumalpok sa isang van truck sa kahabaan ng Maharlika Road, barangay Maligaya, Science City of Muñoz.

Kinilala ang biktimang si Ronald Narne Santos, trentay sais anyos, may asawa at residente ng barangay Mabini, Sto. Domingo.

Habang ang nagmamaneho ng puting Isuzu Wing Van Truck ay si Cyrus Lorzano Hipolito, edad bente kwatro, may asawa at naninirahan sa Paniqui, Tarlac.

Dead on arrival si Ronald Santos matapos sumalpok ang minamaneho nitong motorsiklo sa isang truck sa Muñoz City.

Base sa inisyal na imbestigasyon ng pulisya, bandang alas nueve ng gabi noong July 24, 2018 nang overtakan ni Hipolito ang isang sasakyan, hindi umano nito napansin ang kasalubong na motorsiklong minamaneho ni Santos dahil wala itong headlight na naging sanhi ng banggaan.

Itinakbo pa sa City Health Unit ng San Jose si Ronald ngunit idineklara na itong dead on arrival dahil sa mga natamong sugat.

Parehong sasakyan ay nagkaroon ng pinsala na hanggang sa isinusulat ang balitang ito ay hindi pa alam kung magkano ang halaga.   

Samantala, nakapag-inspeksyon ng 1, 473 motor vehicles ang First and Second Provincial Mobile Force Company sa pakikipagtulungan sa Highway Patrol Group  sa itinalagang 48 checkpoint operations at tatlumpo at apat na Oplan Sita noong July 24, 2018.

Batay sa report ng Nueva Ecija Police Provincial Office, umabot sa animnapo’t tatlong driver ang natiketan, dalawampo at isa sa mga ito ang walang nai-prisentang dokumento, tatlong motorsiklo ang inimpound sa Provincial Headquarters dahil walang plate number at isang motor ang ini-release habang isinasagawa ang operation.

Ang checkpoint ay patuloy na isinasagawa sa lalawigan sa pamumuno ni PSSUPT Eliseo Tanding kaugnay ng Police Regional Office 3 Impact Project Anti-Crime Campaign and Enhance Managing Police Operation laban sa Motor Riding Suspects and criminals.- ulat ni Clariza de Guzman.