Nagsagawa ng public consultation ang Alternergy Corporation sa anim na barangay ng Gabaldon na apektado ng ipatatayong 4.8 Megawatt Mini Hydroelectric Power Plant sa Dupinga River.

Sa presentasyon ni Annette Rafael, Vice Chair ng Alternergy sa barangay Bagting, inihayag nito na isa lamang ang barangay assembly consultation sa mga hininging kondisyon sa kanila ng Pamahalaang Panlalawigan ng Nueva Ecija.

Ang hydro power plant na nagkakahalaga ng Php586-Million ay gagamit ng weir na 14.9 meters ang height at 60 meters ang width na ihaharang sa ilog sa taas ng bundok sa Dupinga. Ang tubig ay dadaan sa malaking tubo pababa sa turbina para makalikha ng kuryente.

Hindi umano dam ang itatayong power plant kundi run-of-the-river kung saan mago-over flow ang tubig.

Pangunahing katanungan ni G. Felix Lazaro, Principal ng Bagting Elementary School kung bababa ang presyo ng kuryente. Sagot ni Rafael, hindi sila direktang magbebenta ng kuryente sa mga consumers kundi sa Nueva Ecija Electric Cooperative at iba pang distribution utilities.

Ngunit magiging stable naman aniya ang kuryente sa Gabaldon na madalas namumroblema sa brownout.

Isa sa pinangangambahan ng mga residente ng Gabaldon ang pagkakaroon ng aktibong Digdig Fault line na huling gumalaw nang lumindol noong July 16, 1990.

Paliwanag ni Annette, base sa certification na ipinagkaloob ng Philvocs o Philippine Volcanology and Seismology, safe ang layong 3.4 kilometers ng itatayong weir o harang mula sa Philippine Fault sa ibaba ng ilog ng Dupinga.

Dahil sa naranasang pagguho ng bundok at baha sa Gabaldon dulot ng mga nagdaang bagyong Kabayan, Lando at Nona, inalam din ng mamamayan kung matitiyak ng kompanya na magiging ligtas ang harang na ilalagay ng planta sa bundok.

Ang taas ng bundok kung saan ilalagay ang weir o harang para sa itatayong Dupinga Mini Hydroelectric Power Plant.

Kasama ani Rafael ang certification galing sa MGB o Mines and Geo Sciences Bureau sa mga hininging requirement sa kanila ni Governor Czarina Umali na nagsasabing hindi kasama ang sitio Dupinga, barangay Ligaya sa mga idineklarang “no habitation and no build zone” batay sa ginawang Geo Hazard Mapping Assessment.

Hiniling din ng kapitolyo na maging bahagi ng kanilang Company Social Responsibility ang desilting operations o paghukay sa kanal ng ilog upang mabawasan ang pag-apaw ng tubig tuwing tag-ulan lalo na kapag may bagyo.

Matatandaan na August 16, 2017 nang aprubahan ng Pamahalaang Bayan ng Gabaldon sa pamumuno ni Mayor Rolando Bue ang proyektong isinulong ni Konsehal Adelino Manabat na pinangalanang Dupinga Mini Hydro Power Plant Project.- ulat ni Clariza de Guzman