Si MGB Region 3 Chief Geologists Engr. Noel Lacadin. Photo credits Facebook.

Si MGB Region 3 Chief Geologists Engr. Noel Lacadin. Photo credits Facebook.

   Nagbabala si Engineer Noel Lacadin, Region 3 Chief of Mines and Geo-Sciences Bureau of Department of Environment and Natural Resources na pwede umanong mangyari sa silangang bahagi ng Nueva Ecija ang trahedyang naganap sa Ormoc City, Leyte noong taong 1991 na ikinasawi ng mahigit kumulang walong libong buhay.

   Sa isang panayam kay Engineer Lacadin, sinabi nito na dapat na palaging maging handa at alerto ang mga residente ng Palayan at Cabanatuan City dahil sa posibleng malaking flashflood na magaganap dahil sa sitwasyon ng Bitunin Creek sa barangay Calabasa, bayan ng Gabaldon.

   Katulad aniya sa Ormoc ay kalbo rin ang kabundukan ng Sierra Madre kaya wala na itong kakayahang sumipsip ng maraming tubig ulan na magdudulot ng malaking pagbaha.

   Bukod sa tubig sa ilog na nanggagaling sa Gabaldon, problema rin sa Cabanatuan ang hindi maayos na drainage system. Kaya naiipon ang tubig sa lungsod.

Baha sa Maharlika Hi-way, Cabanatuan City noong kasagsagan ng bagyong Nona.

Baha sa Maharlika Hi-way, Cabanatuan City noong kasagsagan ng bagyong Nona.

   Sa kasagsagan ng bagyong Uring noong November 5, 1991 bumuhos ang malakas na ulan na lumikha ng flashflood sa Ormoc, Leyte na nagresulta sa pagkamatay ng 4, 900 na katao, at pagkawala ng mahigit tatlong libo pa.

   Matatandaan na noong nakaraang taon, buwan ng Oktubre ng manalasa ang bagyong Lando kasunod ang Nona noong Disyembre na parehong nagdulot ng malawakang pagbaha sa Nueva Ecija.

   Isinisisi sa pagkasira ng kabundukan ang flashflood at landslide na nararanasan sa lalawigan. Simula pa 1930s nakapagtala na ng pag-abuso sa kalikasan sa Gabaldon kabilang ang logging, mining, at kaingin.

   Kamakailan lang, idineklara nang “no habitation zone” ang Sitio Bateria, sa barangay Bagting at Calabasa, Gabaldon kung kaya pinalilikas na ang mga nakatira doon na malapit sa bundok at sapa.

   Naglaan na rin ng pondo ang pamahalaang panlalawigan sa pangunguna ni Governor Czarina Umali para sa relocation site ng mga taga- Calabasa. – ulat ni Clariza de Guzman