Naninindigan si Former Governor Aurelio Umali na sumunod sa batas ang Pamahalaang Panlalawigan ng Nueva Ecija sa pagbibigay ng sand and gravel permit sa huling pagdinig ng Committee on Good Government and Public Accountability kaugnay ng operasyon ng quarry sa probinsya.

Hindi dapat pinagsama sa Administrative Order ng DENR o Department of Environment and Natural Resources ang magkahiwalay na Section 43 at Section 46 ng Philippine Mining Act of 1995, ito ang giit ni Former Governor Aurelio “Oyie” Umali sa huling pagdinig ng Committee on Good Government and Public Accountability kaugnay ng quarry operations sa Nueva Ecija.

Nanindigan ang dating Gobernador na sinunod ng Pamahalaang Panlalawigan ang batas base sa nilalaman ng Section 46 sa pagbibigay ng Sand and Gravel permit sa mga quarry operators sa probinsya.

Binigyang diin ni Atty. Umali ang pagkakaiba ng dalawang batas, sa section 43 nakalista ang mga mineral at kinakailangang dumaan sa PMRB o Provincial Mining Regulatory Board bago mabigyan ng quarry permit ng Punong Panlalawigan habang sa section 46 ay tumutukoy sa Sand and Gravel permit at walang itinatakdang proseso.

Bunsod ng conflict o pagkakaiba ng interpretasyon sa dalawang batas ang Provincial Government at DENR ay isang permitee sa Nueva Ecija ang nagsumite ng Declaratory Relief sa Regional Trial Court upang mabigyang linaw ang mga naturang batas.

Sinegundahan naman ni Congressman Rey Umali si Atty. Umali kaugnay ng Declaratory Relief dahil tanging ang Korte lamang aniya ang makapagbibigay ng tamang interpretasyon ng batas at hindi ang judiciary o ang naturang komite.

Dagdag nito, mas mainam na hintayin na lamang ang desisyon ng Korte upang malaman kung mayroon nga bang nilabag sa batas at kung sa tingin ng Komite ay mayroong pagkukulang sa batas at sa panuntunan nito ay dapat na magkaroon ng pag-amyenda dito.

Tinatanong kasi ni Congressman Arnolfo Teves ang DENR kung may pananagutan ba at kakasuhan ba ang Pamahalaang Panlalawigan ng Nueva Ecija dahil walang ECC o Environmental Compliance Certificate ang mga quarry permittee sa probinsya.

Paglilinaw ni DENR Regional Director 7 Gilbert Gonzales,  base sa Presidential Decree 1586 walang criminal provision para sa violation sa ECC kundi administrative case lamang na may kaakibat na penalty o suspension ng ECC.

Kung sakaling nagresulta ng hindi maganda ang quarry operation tulad ng polusyon sa tubig ay doon maaaring magfile ng criminal complaints gamit ang ibang batas.

Ayon naman sa Section 108 ng Republic Act 7942 o Philippine Mining Act of 1995, na binasa ni Congressman Rey Umali, ang sinumang lumabag sa terms and conditions ng ECC na nakapagdulot ng pagkasira ng kalikasan ay maparurusahan ng anim na buwan hanggang anim na taong pagkakakulong o pagmumultahin ng 50, 000 hanggang 200, 000 pesos o maaari ding pareho depende sa magiging desisyon ng korte.

Punto nito, kung walang ECC nangangahulugan na wala ding nilabag sa terms at conditions na nakapaloob sa Section 108, bagay na kinakailangan ng legal opinion kaya nararapat aniya na hayaan na ang korte na magpasya ukol dito.

Komento naman ni Congressman Johnny Pimentel, hindi masasagot ng mga opisyal ng DENR kung dapat nga bang kasuhan ang probinsya, kaya suhestiyon nito na kumonsulta sa legal officers ng DENR upang matukoy kung karapat-dapat nga bang kasuhan ang probinsya.—Ulat ni Jovelyn Astrero