Ang buwan ng Mayo ay buwan ng mga bulaklak kung saan ipinagdiriwang ang Flores De Mayo o ang pagbibigay-pugay sa ina ni Hesukristo na si Maria.

Ang huling bahagi ng Flores De Mayo ay ang tradisyon ng mga katoliko na tinatawag na Santacruzan o ang prusisyon na gumugunita sa pagkahanap ng krus na pinagpakuan ni Hesus.

Dito sa barangay Sta. Cruz, sa bayan ng Zaragoza, muling binuhay ang tradisyong ito makalipas ang isang dekada.

Suot ang mga gowns kasama ng mga eskorte, pumarada ang tatlumpung bata at dalagang babae habang isinasabuhay ang mga karakter sa bibliya katulad na lamang ng Ave Maria na grupo ng mga batang babaeng nakabihis anghel na siyang sagisag ng kahalagahan ng mariano, Reyna Fe na sagisag ng pag-ibig, Reyna Mora na sagisag ng ekumenismong pangsimbahan, Reyna Banderas at Reyna Ester na sagisag ng pagmamahal sa bansa, Reyna Esperanza na sagisag ng pag-asa, Reyna Sheba na sagisag ng kamayanan, Reyna Caridad na simbolo rin ng pag-ibig,  Reyna Abogada na simbolo ng katalinuhan, samaritana na simbolo ng kaligtasan, Reyna Sentenciada na simbolo ng pagtitiis at pagtitimpi, Santa Veronica na sagisag ng pagtutulungan, Reyna Justicia na siyang sagisag ng katarungan ng diyos, Reyna Paz na sagisag ng kapayapaan, Reyna Del Cielo na simbolo ng kalangitan, rosa mystica na simbolo ng kagandahan, Divina Pastora na sagisag ng banal na paggabay, Mary Magdalene na simbolo ng pagbabalik-loob sa diyos, Reyna De Las Estrellas na simbolo ng liwanag ng diyos, Reyna De Las Virgines na sagisag ng kalinisan, Reyna De Las Propetas na simbolo ng mga propeta, Reyna De Las Flores na simbolo ng tagsibol, Mary Mother of Christ na siyang ina ni Hesus, Reyna Elena na siyang nakasumpong sa tunay na krus at batang emperador na si Constantino na kumilala sa kristiyanismo bilang relihiyon ng imperyo ng Roma.

Labis ang kaligayahan ng mga kalahok sa prusisyon tulad na lamang ni Nathalie Nicole Nocido at Margel Eloyce Tiongco na umuwi pa mula Antipolo City.

Samantala, nanawagan naman si Brgy. Pastoral Officer Mayumi Mamaclay sa mga taga-Sta. Cruz na huwag magsasawang sumuporta sa mga aktibidad ng barangay at simbahan. – ULAT NI JANINE REYES.