Mas matibay na relasyon sa pagitan nang Pamahalaang Panlalawigan at ABSNET ang inaasahan sa pagdaan ng mga panahon sa probinsiya, matapos magcourtesy call ang mga miyembro kay Gov. Cherry Umali kahapon sa Old Capitol, Cabanatuan City.

Ang Area Based Standard Network o ABSNET ay isang organisasyon ng People’s Organizations (PO’s) at Non-Government Organizations (NGO’s) na accredited ng DSWD o Department of Social Welfare and Development.

Ayon kay Provincial Social Welfare and Development Officer Elvie Ronquillo, layunin nito na mapalakas ang ugnayan at mapalalim ang relasyon ng grupo sa Provincial Government tungo sa iisang hangarin na maabot at matulungan ang mga nangangailangang Novo Ecijano.

Sa kasalukuyan ay mayroon ng 58 registered, licensed at accredited NGO’s ang ahensiya sa lalawigan ng Nueva Ecija.

Ayon kay Mary Ann Mateo Focal Person ng ABSNET, hangad nila na lahat ng mga NGO’s at PO’s ay ma-accredit na ng Sangguniang Panlalawigan at maiparehistro at mabigyan ng lisensiya ang iba pang grupo.

Isang halimbawa ng accredited NGO’s sa probinsiya ay ang Ako ang Saklay Incorporated na tumutulong sa mga drug reformist na mapagaling at maibalik sa komunidad ang mga ito bilang mga responsable at kapaki-pakinabang na mamamayan. –Ulat ni Danira Gabriel