Pag-isahin ang mga mamamayan at tulungan ang mga nangangailangang kabarangay, ito umano ang pangunahing tututukan ng bagong halal na Punong Barangay ng Caballero sa Bayan ng Guimba, na nanalo sa toss coin na si Feliciano Castro Jr.
Asahan din aniya ng kanyang mga kabarangay na gagawin nito ang lahat ng kanyang makakaya upang mapabuti at mapa-unlad ang kanilang lugar.
Nakatabla ni Castro ang incumbent kapitan na si Salvador Garcia sa botong tatlong daan at apat naput tatlo sa katatapos na eleksyon noong Mayo 14.
Nakausap naman ng Balitang Unang Sigaw News Team sa telepono si Guimba Acting Election Officer Harvey Ibañez, ayon dito nagkasundo ang dalawa na magsagawa ng toss coin o ang pag-iitsa ng barya ng tatlong beses, ang unang makadalawa ay siyang tatanghaling panalo.
Sa panayam naman kay Atty. Panfilo Doctor Jr., Provincial Election Supervisor, sang-ayon aniya sa sinusunod na General Instructions ang pagbibreak ng tie ay sa pamamagitan ng draw lots kung saan isusulat sa dalawang papel ang salitang panalo at talo, at ang makabubunot ng panalo ay siyang ipoproklamang nanalo.
Ngunit paglilinaw nito, maaari din namang toss coin ang gawing pamamaraan basta’t pumayag ang magkabilang panig.
Hindi naman umano ito ang unang pagkakataon na nagkaroon si Castro ng katabla sa eleksyon dahil noong halalan 2013 nang tumakbo siyang kagawad ng barangay ay nakatabla nito sa ikapitong pwesto ang kanyang kumpare kung saan nagparaya ito.
Nang dumating ang National Election, tumakbo bilang Vice Mayor ng Bayan ng Guimba ang kanilang Punong Barangay noon na si Endong Garcia, nang pinalad itong manalo bilang Bise Alkalde ay umakyat bilang Kapitan si Salvador Garcia at si Castro naman ay nakapasok din bilang Kagawad.
Samantala, isang Barangay din sa San Jose City at sa Bayan ng Cabiao ang nagkaroon ng tabla sa pagkaPunong Barangay na nagsagawa din ng tie breaking activity.—Ulat ni Jovelyn Astrero