Ipinamahagi na sa mga Barangay ang kanilang 40 porsyentong bahagi mula sa mga buwis na nakolekta ng Pamahalaang Panlalawigan sa mga Quarry sa probinsya, sa direktiba ni Governor Czarina “Cherry” Umali.

   Nilinaw ni Provincial Administrator Atty. Alejandro Abesamis na ito ay first batch pa lamang ng kabuuang distribusyon ng mga Gravel Tax Shares ng mga Barangay, kung saan aabot sa humigit kumulang apat na milyong piso ang pondong ipamamahagi.

Sinimulan na ng Pamahalaang Panlalawigan ang first batch ng distribusyon ng gravel tax shares ng mga barangay sa Nueva Ecija.

Sinimulan na ng Pamahalaang Panlalawigan ang first batch ng distribusyon ng gravel tax shares ng mga barangay sa Nueva Ecija.

   Ayon sa Section 138 ng Local Government Code ang probinsya ay maaaring mangolekta ng buwis na hindi hihigit sa sampung porsyento ng fair market value kada cubic meter ng mga ordinaryong bato, buhangin, graba at iba pang quarry resources na hahakutin sa mga quarry sites sa Lalawigan.

   Ang mga nalikom na buwis ay nahahati sa probinsya, Munisipalidad o Syudad, at barangay na pinag-quarry-han, tatlumpong porsyento ay mapupunta sa probinsya, tatlumpong porsyento din sa Munisipalidad o Syudad at apat na pung porsyento sa barangay.

   Samantala sa kaugnay na balita, sisimulan na rin ng Provincial Treasurer’s Office katuwang ang Municipal Treasurer’s League of Nueva Ecija, ang kauna-unahang Tax Caravan sa susunod na linggo, na lilibot sa buong Lalawigan.

   Ayon kay Provincial Treasurer Rosario Rivera, layunin ng Tax Caravan na ito na makapagbigay ng kamalayan sa mga tax payers sa pagbabayad ng amilyar o tamang buwis sa mga hindi natitinag na mga ari-arian. -Ulat ni Jovelyn Astrero