Isang puntos lamang ang naging lamang ng bagong halal na kapitan ng Ariendo, Bongabon na si Joey Gervacio sa natalong imcumbent Barangay Captain na si Gonzalo Sambrano ngunit plano ng huli na magprotesta dahil sa umano’y flying voters sa kanilang lugar.

389 ang naging boto ni Gervacio habang 388 naman ang kay Sambrano. Ayon sa incumbent barangay captain, 946 ang kabuuang bilang ng mga botante sa kanilang lugar at 800 lamang rito ang bumoto nitong nakaraang eleksyon.

Sinabi rin nito na inihahanda na ng kanyang kampo ang mga papeles at katibayan na kinakailangan sa kanilang pagpoprotesta. 

Kwento pa ni Gonzalo, nitong nakaraang eleksyon ay pinuna niya ang ilang mga botante na hindi umano residente ng kanilang barangay at sinabi niya ito sa kanyang watcher upang pigilan.

Ayon naman sa watcher na si Cesar Sambrano, iginiit niya sa BET o Board of Election Tellers na huwag na nilang pabotohin ang mga botanteng hindi naman nila kilala dahil nang hanapan ito ng ID ay wala umanong itong naipakita.

Sagot naman aniya ng mga guro, ay maaari itong bumoto basta’t rehistrado ang kanyang pangalan.

Kaugnay pa nito, napag-alaman umano nila na ang naturang botante ay nakarehistro rin sa ibang bayan.

Samantala, may ebidensya umanong hawak ang kanilang kampo ngunit ayaw pa nila itong ilabas hangga’t hindi pa sila nakakapagfile ng protesta. –Ulat ni Irish Pangilinan