Husay sa pagsasayaw… Galing sa pag-awit… Talento sa pag-arte…
Iyan ang mga ipinamalas ng ilang mag-aaral ng Cabiao National High School sa itinanghal nilang musical-theatrical-variety show na pinamagatang “Live Your Life” nitong November 11.
Ayon sa direktor ng naturang dula na si Joseph Edralin Pablo, ang Live Your Life ay sumasalamin sa iba’t-ibang klase ng pamumuhay at perspektibo ng mga tao na nagpapakita kung gaano kasarap mabuhay sa mundo.
Sa pangunguna ng Youth for Peace Movement-Nueva Ecija at ng CNHS Theaterific Arts Guild ay pinaghandaan at binuo ang nasabing theatrical show na naglalayong mahubog ang talento ng mga kabataang walang karanasan sa teatro.
Para naman sa mga mag-aaral na parte ng theater show, isang malaking tulong ang tatlong buwan nilang training upang malinang ang kanilang mga talento at madaig ang kanilang mga takot. Kaya naman labis ang kanilang pasasalamat sa mga taong nasa likod ng matagumpay na palabas.
Samanatala, kasabay ng gabi ng pagtatangahal ay ang pagbibigay parangal sa mga natatanging mandudula.
Kinilala bilang pinakamahusay na mang-aawit si Aubrey Angeli Tan.
Tumanggap naman ng parangal si Marlon Lara Jr. bilang pinakamahusay na mananayaw at natatanging parangal sa mabisang pagganap sa kanyang karakter bilang aktor.
Tinanggap din ni Mycy Alcantara ang natatanging parangal sa mabisang pagganap sa kanyang karakter bilang aktres.
Binigyang pagkilala din ng pinakamahusay na pagganap sa kanyang napiling larangan bilang isang miyembro ng produksyon si Kevin Valerio.
Habang si Amie Jean Dela Cruz ang tumanggap ng parangal na pinakamahusay na pagganap sa kaniyang napiling larangan bilang hepe ng kanyang kagawaran sa produksyon.
Samantala hinirang bilang pinakamahusay na pangalawang actor at aktres sa entablado si Jobert Lapuz at Shyra Mae Ponce.
Itinanghal naman na pinakamahusay na pangunahing actor at aktres si Maenard Lucas at Mia Paula Daclan.
Samantala muling tumanggap ng parangal si Shyra Mae Ponce bilang Director’s Choice Award habang pinarangalan si Marlon Lara Jr. ng YFP-NE Chairperson’s Choice Award. –Ulat ni Irish Pangilinan