Ipinagkaloob na ni Gov. Aurelio “Oyie” Umali ang 1million reward check sa impormanteng nakapagturo sa taong responsable umano sa pagpatay kay Nueva Ecija Provincial Jail Warden Enrico Campos.

Ayon kay Gov. Umali, mas lalong lumakas at lumaki ang kanyang pagtitiwala sa mga pulis sa pangunguna ni Police Senior Superintendent at Nueva Ecija Provincial Director Crizaldo Nieves matapos na mabilis na maresolba ang kaso sa nangyaring pagpatay kay Campos.

Matatandaan na kamakailan ay napatay sa isang engkwento ng mga pulis sa bayan ng Aliaga ang itinuturong suspect na si Renato Galang alyas “Toto” 37-anyos at siya ring itinuturong leader ng notorious Galang Group na sangkot sa Robbery Hold-up, Carnapping at Gun for Hire matapos nitong makipagpalitan ng putok sa mga awtoridad.

Nakatakda lamang sanang ihain ng pinagsanib pwersa ng Aliaga PNP, Provincial Police at Regional Intelligence kay Galang ang kanyang warrant of arrest nang bigla na lamang umano itong nanlaban.

Nilinaw naman ni Nieves na hindi kinailangan o kailangan ng kapulisan ang anumang insentibo o reward upang mas lalo nilang paghusayin at pabilisin ang paglutas sa anumang kaso gaya nito ngunit aniya, nagpapasalamat siya sa ibinibigay na suporta ng gobernador sa kanilang hanay.

Buong pagmamalaki pa ni Nieves na hindi lamang kaso ni Campos ang kanilang naresolba dahil kasabay nito ang paglutas sa kaso ng iba pa kabilang ang pagpatay sa kanilang kabarong si SPO2 Marcos Navarro.

Bagaman naniniwala umano si Gov. Oyie na hindi man obligasyon ang pagbibigay ng reward upang mas mapabilis o pabilisin ang pagresolba sa isang kaso tulad ng kaso ni Campos, aniya minabuti niya itong gawin dahil ang pagpatay kay Campos ay isang personal na usapin para sa kanya.

Samantala, ilan sa mga nakitang motibo sa pagpatay kay Campos ay ang ginawa nitong paghihigpit sa Provincial Jail upang matigil ang pagpasok at bentahan ng droga sa nasabing piitan.- Ulat ni Mary Joy Perez