Patay ang isang holdaper habang naaresto naman ang dalawang kasamahan nito at nakatakas ang isa pa sa isinagawang operation ng San Jose City Police Station matapos holdapin ng mga ito ang isang negosyante sa main gate ng Rufina Homes Subdivision sa barangay Sto. Niño 2nd.
Kinilala ang napatay na suspek na nakipagbarilan sa mga pulis na si Crispin Velasco y Sembrano. Nahuli naman sa follow-up operation sina Jomar Sabado y de Luna, bente sais anyos, binata, tricycle driver, at Melchor Gose y Barcelo, singkwenta’y uno anyos, may asawa, pawang mga residente ng bayan ng Lupao. Samantala pinaghahanap naman ng mga otoridad si Jericho Peralta.
Ayon sa salaysay ng biktimang si Erlinda Marquez y Tumbali, sisenta’y singko anyos, February 8, 2018 bandang alas sais singkwenta ng gabi, nakasakay umano siya sa tricycle na minamaneho ni Gose, kasama ng dalawa pang pasahero pauwi sa kanyang bahay sa Rufina Subdivision nang harangin ng dalawang lalaki at tinutukan sila ng baril sabay deklara ng holdap at inagaw ang kanyang bag na naglalaman ng Php300, 000. 00.
Narekober ng SOCO mula sa bangkay ni Velasco ang isang caliber .45 na baril na kargado ng bala, isang homemade shotgun, mga bala ng baril, dalawang small transparent plastic sachet na naglalaman ng pinagsususpetsahang shabu at isang bundle ng pera na halagang Php80, 800.00.
Nakuha naman kay Sabado ang dalawang maliit na transparent sachet na may lamang shabu nang madakip ito sa barangay Kita-Kita, San Jose.
Sta. Rosa- Hinihinalang ginahasa ang isang kasambahay na natagpuang patay sa loob ng kanyang kwarto sa 2nd floor ng tahanan ng kanyang amo sa barangay Del Pilar bayan ng Sta. Rosa.

Hinihinalang pinagsamantalahan ang isang kasambahay na natagpuang patay sa bayan ng Sta. Rosa.
Kinilala ang biktimang si Margarita Fajardo y Joaquin, singkwenta’t singko anyos, tubong San Juan, Aliaga, stay-in housekeeper ni Mrs. Angelina Ramos y Morfe, otsenta’y otso.
Base sa report ng Sta. Rosa Police Station, dakong alas otso ng umaga nang madiskubre ni Jose Renan Morfe y Dimayuga, kwarenta’y otso, nakatira rin sa naturang bahay, ang biktima na nakahandusay sa lapag ng kwarto at wala nang buhay.
Sa imbestigasyon, napag-alaman na wala namang nawala sa tahanan kaya tinanggal ng mga otoridad ang anggulo ng pagnanakaw.
Ineksamin ng SOCO ang katawan ng biktima dahil possible umanong ni-rape ito dahil hindi maayos ang pagkakasuot ng underwear nito at nakababa hanggang sa taas ng tuhod ang leggings nito.
Lumabas naman sa Medico Legal na ang sugat nito sa ulo na pinukpok ng matulis na bagay ang naging sanhi ng kamatayan ng biktima.
Cabanatuan City- Todas ang isang tulak umano ng shabu nang manlaban sa mga pulis sa isinagawang buy-bust operation sa Kalye Vicente, Sumacab Sur.
Kinilala ang suspek na sin a si Arturo Cristobal y Ponce alyas IPOY, kabilang sa listahan ng Barangay Anti-Drug Abuse Council.
Batay sa ulat ng pulisya, alas onse trenta ng gabi, habang nagbebenta ng ipinagbabawal na gamot ay naramdaman ng suspek na mga pulis ang kanyang katransaksyon kaya binunot nito ang caliber .38 na baril at pinaputukan ang mga operatiba.
Dahil dito ay napilitan umanong gumanti ng putok ang mga alagad ng batas at tinamaan ang suspek na nagresulta sa kaagad nitong kamatayan.
Iprinoseso ng SOCO ang pinangyarihan ng krimen sa harap ni Fiscal Francisco Macaraig at mga barangay officials ng Sumacab Sur kung saan nasamsam ang tatlong basyo ng bala ng caliber .9mm at isang unit ng kulay itim na skeleton type na motorsiklo.
Nakuha kay Cristobal ang isang transparent sachet na naglalaman ng pinaniniwalaang shabu, isang pack ng mga plastic sachet, isang gunting, mga bala, isang Cherry mobile cellphone at isang one thousand peso bill na marked money.- ulat ni Clariza de Guzman.