June 10, 2014 — Patuloy na nagbibigay pag-asa ang lokal na pamahalaan ng bayan ng Talavera sa mga kabataan na nagnanais na makapagtapos ng pag-aaral sa kolehiyo.
Ito ay sa pamamagitan ng Colegio ng Bayan o scholarship program ng municipal government ng Talavera, sa pangunguna ni Mayor Nerivi Santos at sa pakikipagtulungan ng NEUST Annex o Nueva Ecija University of Science and Technology.
Humigit kumulang sa isang libo at apat na daang kabataan ang kasalukuyang nakikinabang ngayon sa programa. Mula sa walumpu’t dalawang estudyante nuong 2008, ngayon, taun-taon pataas ng pataas ang bilang ng mga mag-aaral na nagnanais na makapagtapos ng kolehiyo.
Bukod sa pagtaas ng bilang ng kanilang enrollees, ipinagmamalaki din ng naturang eskwelahan ang hindi matatawarang marka ng mga estudyante nilang nakakapasa sa licensure examination for teachers o LET board exam. Kung saan, humahataw sa ratings ang kanilang let passers, sa sunod-sunod na tatlong taon na nakapagtala ang kanilang eskwelahan ng matataas na grado, na doble kung ikukumpara sa national passing rate.
Ito ay pagpapatunay lang na ang edukasyon ay pinapahalagaan ng pamahalaan ng Talavera. Kaya naman, lubos ang pasasalamat ng mga tinaguriang iskolar ng bayan sa lokal na pamahalaan.
Bunsod ng lumalaking populasyon at patuloy na ibinigay na karangalan ng kanilang institusyon, ay nagpapagawa na ng bagong building ang neust talavera campus sa tulong ng lokal na pamahalaang bayan ng talavera upang matugunan ang pagdami ng mga mag-aaral na nagnanais na makapagtapos ng kolehiyo.
By Danira Gabriel