June 11 2014 — Hindi pa rin humuhupa ang tensyon sa pagitan ng mga bansang nagtutunggali upang makuha ang karapatan sa Kalayaan Group of Islands.
Walang patid na banggaan ng mga bansa na lalong nagpapa taas ng tensyon sa West Philippine Sea. Determinado at agresibo ang mga hakbang ng bansang China, isang tanda ng nalalapit na laban para sa karapatan sa Kalayaan Group of Islands.
Naging mapilit ang bansang Vietnam na pasukin ang karagatang malapit sa oil rig ng China. Sa walang hintong pagsisikap ng Vietnam ay ilang beses nang nagharap ang dalawang bansa malapit sa Paracel Islands na naging dahilan ng pagbabanggaan ng mga shipping vessel ng dalawang bansa.
Maka-ilang ulit nang napabalita ang paglubog ng mga Vietnam shipping vessel dahil sa pagbangga umano ng Chinese vessel dito at ngayon nga ay naglabas na ng ebidensya ang bansang Vietnam sa mga pambabraso na ito.
Kitang kita sa video na inilabas ng Vietnam officials ang paghabol ng isang Chinese vessel sa dalawang sasakyang pang-karagatang pag-aari ng bansang Vietnam.
Maka ilang ulit itong binagga ng Chinese vessel hanggang sa tuluyan nang lumubog ang Vietnamese shipping vessel na huling-huli sa kamera.
Ngunit sa papel na isinumite ng China sa United Nations, lumalabas na ang bansang China pa ang biktima sa mga nangyayaring banggaang ito.
Ayon kay Chinese Deputy Ambassador Wang Min, ang pagronda ng Chinese vessels at pagpapatayo ng mga imprastraktura ay natural na karapatan ng China dahil sila ang may-ari ng mga islang ito at kanila lamang pinoprotektahan ang kanilang pag-aari.
Nagsimulang lalong uminit ang pag tutunggali ng dalawang bansa matapos magtayo ng deep sea oil rig na nagkakahalaga ng isang bilyong dolyar ang bansang China sa Paracel Islands. Gayunpaman lumalabas na ang bansang China lamang ang kalaban ng mga bansang umaangkin sa Kalayaan Group of Islands.
Ang bansang China, Taiwan at Vietnam ay umaangkin sa buong Kalayaan Group of Islands. Samantalang inaangkin naman ng Malaysia, Brunei at Pilipinas ang ilan lamang sa mga islang malapit sa mga bansang ito.
Gayunpaman, hindi ito naging hadlang sa magandang samahan ng mga bansa lalo na ng bansang Vietnam, Malaysia at Pilipinas.
Kamakailan lamang ay nagsagawa ng isang volleyball at soccer game ang bansang Pilipinas at Vietnam upang ipakita ang pagkakaisa nito kahit parehong inaangkin ng dalawang bansa ang mga isla ng Kalayaan Group of Islands.
Sa kabila ng pagpapakita ng pagkakaisa ng dalawang bansa ito ay tinawanan lamang ng mga Chinese officials. Isang malamyang uri ng pagpapatawa umano ang ginagawa ng dalawang bansa at iniutos sa dalawang bansa na itigil na ang ginagawa nito sa karagatang pag-aari ng China.
Ayon sa mga eksperto, ang pagkakaisang ito ay dahil sa takot sa China at pagpapakita ng paglaban at pag-aalsa sa bansang China.
Sa ngayon ay hindi parin bumababa ang tensyon at lalo pa itong tumitindi sa ginagawang alyansa ng mga bansa sa South East Asia laban sa nag iisang bansa. Ang pag-aalsa ng bansang Vietnam, Malaysia, Brunei, Taiwan, Japan at Pilipinas.. laban sa bansang China.