Ilegal na maituturing umano ang paggamit ng heavy equipment ng Lungsod ng Cabanatuan sa labas ng siyudad.

Sa pahayag ni Vice Mayor Anthony Umali, malinaw na isinasaad sa inamyendahang SP Resolution No. 102-2016 ng bagong Sanggunian, na ang biniling 70 heavy equipment ay eklusibo lamang para sa mga proyektong pang-imprastraktura ng lungsod.

Aniya, bawal itong ipahiram o parentahan sa labas ng siyudad.

Ang masakit pa aniya ay inaangkin ng lokal na pamahalaan ang lahat ng proyekto sa lungsod. Samantalang, kung tutuusin ay kabahagi ang Provincial Government dito dahil kundi binigyan ng gratuituos permit ng Pamahalaang Panlalawigan upang makahakot ng bato at buhangin ay hindi ito magkakaroon ng katuparan.

Paliwanag ni Vice Mayor Umali, ang paghahakot at pagbatak ng bato’t buhangin sa iba’t-ibang lugar sa probinsiya partikular na sa Ikatlong Distrito ng walang permiso sa Kapitolyo ay masasabing pagnanakaw na rin.

Pagbibigay diin ng Bise Alkalde, hindi siya namomolitika kundi itinatama lang niya ang maling pagpapaliwanag ng kabilang kampo.

Dapat aniya ang sinasabing Pagbabago at Progreso ay lakipan ng Matapat na Paglilingkod at Malasakit sa Cabanatueno. – Ulat ni Danira Gabriel