Nakiisa ang mga kababaihan mula sa pitong munisipalidad ng Nueva Ecija sa ginanap na 8th annual assembly ng Kalipi o Kalipunan ng Liping Pilipina kabilang ang Women With Disability.
Lumahok sa Christmas Dance Medley at Chorale Group Competitions ang mga miyembro ng Kalipi-WWD galing sa mga bayan ng San Isidro, Talugtog, San Leonardo, Rizal, Jaen, Cabiao, at Zaragoza.
Nagkamit ng cash prizes at trophies ang mga grupong maswerteng nagwagi sa paligsahan.
Ikinagalak ng mga kababaihang dumalo sa pagtitipon ang sorpresang raffle kung saan namahagi ng gift packs ang ina ng lalawigan 3rd District Congresswoman Cherry Domingo- Umali.
Ang Kalipi-WWD ay organisasyon ng mga kababaihan sa ilalim ng DSWD o Department of Social Welfare and Development sa pakikipagtulungan ng Pamahalaang Panlalawigan sa pamumuno ni Governor Aurelio Umali.
Dito sa Nueva Ecija, umaabot na sa 9, 300 ang mga miyembro ng nasabing organisasyon na pinagkakalooban ng gobyerno ng ayuda sa pamamagitan ng livelihood projects, capital assistance, training, at iba pa.- Ulat ni Clariza De Guzman