Babae mang maituturing ngunit hindi ito naging hadlang kay Emma Viray upang mangibabaw ang kaniyang angking galing sa kursong Shielded Metal and Arc Welding NC II, matapos siyang mabigyan ng parangal na isa sa mga Most Outstanding Students ng PMTC o Provincial Manpower Training Center Batch 63 at 64.
Si Emma ay isang kasambahay, kwento niya bagaman may trabaho ay aminadong kulang pa rin siya sa pinansyal ngunit sinikap niyang makatapos sa PMTC dahil na rin sa pangarap na makarating sa ibang bansa at makakuha ng trabaho doon.
Ngayong 2015, mahigit dalawang libong estudyante kabilang si Emma ang nagtapos sa PMTC mula sa limang branches nito sa lalawigan.
Ayon sa Head ng PMTC na si Raoul Esteban, mas lumaki ang bilang ng mga nagsipagtapos ngayon kumpara noong nakaraan taon.
Aniya, malaki ang suportang ibinibigay ng Pamahalaang Panlalawigan sa ilalim ni Governor Aurellio “Oyie” Matias Umali sa PMTC lalong higit sa mga estudyante na halos libre ang pag-aaral sa kanila.
Dagdag pa ni Esteban, katuwang nila ang Provincial Government upang maabot ng mga estudyante ang kanilang mga pangarap sa pamamagitan ng pag-agapay sa mga ito sa paghahanap ng trabaho matapos makagraduate.
Samantala, dumalo rin sa naturang graduation sina Provincial Adminitrator Alejandro Abesamis, Former Boardmember Doc. Anthony Umali at Nueva Ecija TESDA Director Melanie Grace Romero na nagbigay ng kanilang mga mensahe sa mga nagsipagtapos kasama ang ilan pang kilalang personalidad sa probinysa.-Ulat ni MARY JOY PEREZ