Personal na iginawad ni Governor Czarina Cherry Umali ang tseke na nagkakahalaga ng higit pitong milyong pisong pondo para sa Air-conditioning System ng Gymnasium ng NEUST o Nueva Ecija University of Science and Technology, Sumacab Campus, Lungsod ng Cabanatuan.

Buong pusong nagpasalamat si NEUST President Feliciana P. Jacoba matapos tanggapin ang naturang pondo mula sa Pamahalaang Panlalawigan.

Malaking ginhawa umano sa mga mag-aaral ng NEUST ang handog na aircondition sapagkat hindi na sila maiinitan sa tuwing may mga aktibidades sa kanilang paaralan lalo higit sa tuwing sasapit ang araw ng pagtatapos o Graduation Day sa paaralan.

Kasabay nito ay nilagdaan din ang isang Memorandum of Agreement sa pagitan ng Pamahalaang Panlalawigan at ng naturang Unibersidad.

Ito ay may layuning matulungan at mabigyan ng pagkakataon ang mga Displaced Farm Workers sa buong Lalawigan ng Nueva Ecija, na apektado ang kabuhayan bunsod ng patuloy na modernisasyon sa larangan ng pagsasaka, na mabigyan ng libreng trainings o pagsasanay.

Ayon kay Jacoba, sa patuloy na modernisasyon ay hindi maiwasang mawalan ng trabaho ang mga mamamayan na ang tanging ikinabubuhay ay pakikisaka.

Ngunit tiniyak ni Jacoba na sa pamamagitan ng kanilang pakikipag-ugnayan sa Pamahalaang Panlalawigan ay gagawin nila ang abot ng kanilang makakaya sa pamamagitan ng isasagawa nilang mga Trainings at Seminars upang matulungan at mapaunlad ang mga ito.

Maglalaan din umano sila ng oras upang mapag-usapan kung kailan sisimulan ang mga trainings, ang mga displaced farm workers din umano ang mamimili kung anong klaseng training ang kanilang papasukin na aakma sa kanilang mga pangangailangan sa buhay.

Hindi naman pinalagpas ni Jacoba ang pagkakataong makapagpasalamat sa Pamahalaang Panlalawigan dahil sa naturang proyekto at programa.-Ulat ni Getz Rufo Alvaran