Ang palarong pampalakasan o sports ay tungo sa mas maganda at matibay na samahan. Ito ang adbokasiya ng Pamahalaang Panlalawigan sa pagsasagawa ng “Palarong Kapitolyo 2015” na pormal ng binuksan kahapon kung saan labing isang departamento ang magtutunggali para sa kampeonato ngayong taon.
Ayon kay Provincial Sports and Youth Development Administrator Rose Umagos, taun-taon ay nagsasagawa ang Pamahalaang Panlalawigan ng ganitong klase ng palaro hindi lamang para sa ehersisyo kundi para na rin magkaroon ng pagkakataon ang lahat ng mga kawani na maipamalas ang galing sa larangan ng sports.
Paliwanag ni Provincial Administrator Atty. Alejandro Abesamis na bahagyang naantala ang pagbubukas ng taunang palaro dahil sa dumaang unos sa lalawigan dulot ng bagyong Lando.
Gayunpaman sinabi ni Abesamis na hindi hadlang ang anumang kalamidad upang hind imaging matagumpay ang pagdaraaos ng naturang palaro.
Kabilang sa mga nakilahok na departamento ang Sangguniang Panlalawigan, Provincial Health Office, Governor’s Office, Provincial Manpower Training Center, Provincial General Services Office, TV48, Provincial Engineering Office, Provincial Social Welfare Development Office, Provincial Disaster Risk Reduction Management Office, Provincial Treasurer’s Office at Civilian Security Unit.
Kasabay ng pagbubukas o pagsisimula ng palarong Kapitolyo ay tinanghal na rin ang Mutya ng Palarong Kapitolyo 2015 kung saan mula sa dalawang opisina ang nagkamit ng titulo kabilang ang Governor’s Office at Provincial Treasurer’s Office.
Nagkaroon din ng mga parlor games na mas lalong nagpasaya sa mga empleyado ng Provincial Government gaya ng sock race, kalamansi race at pinoy henyo.Ulat ni MARY JOY PEREZ