Inaksyunan na ng contractor ng gabion dike project sa barangay Calabasa bayan ng Gabaldon ang reklamo ng isang ginang na nilampasan nito ang kanyang lupa kaya natibag nang mag-uulan noong December 2017.
Makaraan ang tatlong lingo, binalikan ng team ng Balitang Unang Sigaw si Diwata Arcanghel at binisita ang kanyang bukid kung saan naabutan naming kasalukuyang ginagawa ng mga trabahador ang gabion dike sa gilid ng kanyang lupa na tinutumbok ng tubig ng ilog.
Dahil dito, nakaramdam ng kasiyahan ang ginang. Sa kanyang panayam, sinabi nito na makakatulog na siya ng mahimbing na hindi nag-aalala na malulusaw ang kanyang bukid kapag muling dumating ang ulan.
Dinalaw din ng contractor na si G. Daniel Pamintuan ang pagawaing proyekto at nagkaroon sila ni Diwata at asawa nito ng pagkakataon na magpaliwanagan.

Sinimulan nang lagyan ng Gabion Dike ang gilid ng lupa ni Diwata Arcanghel.
Matatandaan na humingi ng tulong si Arcanghel kay Governor Czarina “Cherry “ Domingo-Umali upang matukoy kung sino ang dapat na lapitan para maisama ang kanyang lupa sa lalagyan ng gabion bilang proteksyon laban sa pagguho kapag may baha.
Nadiskubre na Butil Partylist ang nagpondo sa proyekto na may habang 459 linear meters at nagkakahalaga ng Php20-Million. Sinimulan ng kontratista noong November 2017 ang gabion bagaman wala pa ang budget.
Imbes na idugtong sa kaparehong dike na nakatayo na sa lupa ni Diwata, inumpisahan ito sa kabilang panig dahil malalim umano ang ilog nung ginagawa ito.
Ngunit dahil dumaan pa umano sa Regional Office ng Department of Public Works and Highways ang pondo ay inihinto ang paggawa nito kaya nang umulan noong December hindi naproteksyunan ang 3.5 hectares na lupain ni Arcanghel kaya nalusaw ang halos 3,000 square meters nito na may tanim na ampalaya.- ulat ni Clariza de Guzman