Sinimulan ng NEPPO noong January 24, 2018 ang “No mercy” o walang paki-usapang alintuntunin sa pagsasagawa ng simultaneous Intensified Anti-Criminality Checkpoint ng bawat istasyon ng pulisya sa buong Nueva Ecija.

Layunin nito na masawata ang mga Motorcycle Riding Criminals at Motorcycle Riding Suspects sa paggawa ng krimen.

Ayon kay Provincial Director Police Senior Superintendent Eliseo Tanding, target ng naturang checkpoint na mag-zero crime rate ang lalawigan.

Mula October 1, 2017 hanggang January 14, 2018 nakapagtala ng limampu’t walong Motor Riding Suspects-Related Incidents ang NEPPO.

January 26, nang ipresinta ng NEPPO sa media ang mahigit tatlong daang nakumpiskang motorsiklo na walang naipakitang mga dokumento.

Sa loob ng anim na araw na operasyon simula Enero bente kwatro hanggang bente nuebe ang average ng mga nai-impound na motorsiklo ay nasa 157.67, habang aabot naman sa 3, 146.5 ang average ng mga motorsiklong nainspeksyon ng kapulisan.

Matapos ang flag raising ceremony noong Lunes, January 29, 2018 inilahad naman ni PSSUPT Tanding kay Regional Director Chief Superintendent Amado Corpus ang accomplishment ng NEPPO sa isinagawang checkpoints.

Sa panayam kay Regional Director Corpus, sinabi nito na ang anti-criminality checkpoint ay proyekto ng Region na sinimulan dito sa lalawigan ng Nueva Ecija dahil base sa statistics ito ang may pinamakataas na shooting incidence.

Aniya, madalas na motorsiklo ang ginagamit ng mga suspek sa paggawa ng krimen kaya mahigpit ang kanyang tagubilin na lahat ng mga undocumented o walang papeles ay dapat na kumpiskahin.

Katuwang ng Nueva Ecija Police sa pagsasagawa ng intensified anti-criminality operations ang 20 platoon mula sa Regional Public Safety Battalion.

Nagsilbing impounding zone ng mga sasakyan na subject for verification ang Provincial Headquarters sa Lungsod ng Cabanatuan upang maiwasan umano ang nakawan tulad ng pagkawala ng ilang parte ng sasakyan kagaya ng side mirror at baterya.

Ang mga mahuhuling driver o motorcycle owners na walang lisensya, Official Receipt/Certificate of Registration o nakalimutan ang mga ito ay binibigyan naman ng pagkakataon ng mga pulis na maipresinta sa kanila ang mga naturang dokumento upang maibalik din ang kanilang mga motorsiklo.—Ulat ni Jovelyn Astrero