Labis na kalungkutan at pagdadalamhati ang mababanaag sa mukha ng mga taong nagmamahal kay Mary Anne “Meanne” Guevarra-Hernandez, nang ihatid na ang kanyang mga labi sa huling hantungan noong linggo, January 21, 2018.
Ganap na alas-dose ng tanghali nang ibaba ang labi ni Mary Anne mula sa kanilang bahay patungo sa St. Isidore Parish Church, Talavera.
Kasing init ng sikat ng araw ang init ng pagmamahal na ipinakita ng pamilya, kaibigan at kasamahan sa kapitolyo
Sa paghahatid kay Meanne habang suot ang damit na may naka-imprinta na “Justice for Meanne Hernandez.”
Sa simbahan, ay magkasamang dumating upang makilibing ang Ina at Ama ng Lalawigan Gov. Czarina “Cherry” Umali at Atty. Aurelio “Oyie” Umali. Naroon rin si Mayor Nerivi Santos-Martinez kasama ang kaniyang mga konsehal.
Bagamat nagluluksa ay pilit na nagpakatatag ang buong pamilya upang makapaghatid ng pasasalamat sa mga nakiramay at dumamay sa kanilang kalungkutan.
Sa mensahe ay ipinahayag ng kapatid ni Meanne na si Mary Jane ang sakit na nadarama nito sa pagpanaw ng kapatid.
Sa misa naman ay sinabi ni Fr. Aldrin Domingo na tiwala itong makakamit ng pamilya ang katarungan na hinihingi para kay Meanne.
Matapos ang misa, ay inihatid na ang mga labi ni Mary Anne sa Talavera Memorial Cemetery kung saan daan-daan ng mga taong nakiramay.
Sa huling sandali, ay pag-aalay ng puting rosas ang ibinigay ng mga malalapit na kamag-anak, kaibigan at katrabaho kasabay ang pagdasal ng kapayapaan at hustisya ng yumao.
Si meanne ay naglingkod bilang Executive Secretary ni Former Gov. Oyie hanggang sa termino ni Gov. Cherry Umali. –Ulat ni Danira Gabriel