Nagpamalas ng talento sa pagsayaw, nagpatalbugan sa pagrampa at nagpagalingan sa question and answer portion ang sampung kandidata para sa Hiyas ng Nueva Ecija at labinlimang kandidato sa Ginoong Filipinas Nueva Ecija 2018.

Unang nagtagisan sa pagsayaw ng kanilang production number ang mga kandidata at kandidato kung saan nangibabaw sina Jonalyn Flores at Ramil Dela Cruz na parehong tumanggap ng Best in Production Number Award.

Pinarangalan naman ng Best in Swimsuit Attire sina Allura Mercado at Jayvee Constantino na agaw pansin nang rumampa suot ang kanilang swimsuit.

Lalo pang tumingkad ang gabi dahil sa mga naggagandahang long gown at formal wear na eleganteng inirampa ng mga kalahok kung saan nagningning sina Karla Marie Virtudazo at Eugene Patricio na parehong nagkamit ng Best in Formal Attire award.

Sunod namang sinubok ang talino ng mga kandidata’t kandidato sa question and answer portion.

Sa huli, ay kinoronahang Hiyas ng Nueva Ecija si Cindy Javate na mula sa bayan ng San Isidro. Itinanghal na 1st runner-up  si Karla Marie Virtudazo na pambato ng San Leonardo. Hinirang naman na 2nd runner-up si Caselyn Marqueses na mula rin sa San Isidro at 3rd runner up si Allura Mercado ng lungsod ng Gapan  habang  4th runner-up naman si Jonalyn Flores na mula sa Sta. Rosa.

Itinanghal naman na Ginoong Filipinas Nueva Ecija 2018 si Jommel Espino na mula sa Lungsod ng Gapan na siyang magiging representative ng lalawigan para sa national pageant na Ginoong Filipinas.

Wagi naman bilang 1st runner-up si J-vie Constantino na mula sa San Leonardo habang 2nd runner-up si John Patrick Ricio ng San Isidro. Pasok rin bilang 3rd runner-up si Rexter Iniego na pambato ng Lungsod ng Cabanatuan. 4th runner-up naman si Jesther Pascual mula sa Lungsod ng Gapan at 5th runner-up si Eugene Patricio ng bayan ng Licab.

Ayon naman kay Lito Ison na siyang pageant director ang pag-oorganisa ng naturang patimpalak ay paghahanda na rin sa national pageant at nais nilang patunayan ang galing ng mga Novo Ecijano. Nagpasalamat din siya sa lahat ng mga nagbigay ng tulong at sumuporta sa kanila. –Ulat ni Irish Pangilinan