Personal na dinalaw ni Gov. Cherry Umali kasama at ng kanyang asawa na si Atty. Oyie Umali ang burol ni Mary Anne “Meanne” Guevarra-Hernandez sa brgy. Pag-Asa, Talavera, na nagsilbing Chief Administration Officer ng Pamahalaang Panlalawigan.
Sa inilabas na Press Statement ng Gobernadora, inilahad nito na halos bahagi na ng pamilya umali ang turing kay Meanne buhat ng maglingkod sa panunungkulan ni Dating Gov. Oyie at nagpatuloy sa termino ngayon ni Gov. Cherry.
Aniya, malaking kawalan sa kapitolyo ang biglaang paglisan ni Meanne dahil hanggang sa huling sandali ng kanyang buhay ang mga gawaing Pamahalaang Panlalawigan ang inaasikaso nito.
Dagdag ng Gobernadora, mariin nilang kinokondena ang ganitong klaseng karahasan. Walang katumbas aniya na salita ang maaaring maglarawan sa karumaldumal na karahasang ito.
Hindi umano sila titigil hanggat hindi nakakamit ng pamilya Guevarra-Hernandez ang katarungan. Kaugnay nito inatasan ng Ina ng Lalawigan, ang mga pulis ng Nueva Ecija sa mabilis na imbestigasyon at hiningi ang tulong ng National Bureau of Investigation upang matukoy ang mga salarin at nasa likod nito at agad silang papanagutin sa kanilang karumal dumal na krimen.
Panawagan ng Gobernadora sa mga kababayan, sama-samang itakwil ang ganitong uri ng karahasan at ipakita na walang puwang sa isang matuwid, makatao at may malasakit na lipunan ang marahas at patraydor na pagkitil ng buhay.
Bukod sa mag-asawang Umali ay dumating rin si Mayor Boyet Joson, Vice Mayor Ding Joson, ilang empleyado ng Kapitolyo at Munisipyo ng Talavera sa pangunguna ni Mayor Nerivi Santos-Martinez.
Ayon kay Mayor Martinez, lahat ng suporta sa progreso ng imbetigasyon ay kanilang gagawin katuwang ang kapulisan ng naturang bayan upang agarang malutas ang krimen.
Pinag-i-isipin rin ng Pamahalaang Bayan na maglaan ng pabuya sa sino mang makakapagturo sa mga suspek.
Idineklarang dead-on-the-spot si Meanne matapos pagbabarilin ng hindi pa nakikilalang kalalakihan, noong Enero 14, 2018, bandang 6:30 nang gabi sa Shell Gas Station, Brgy. Pag-Asa, Bayan ng Talavera. –Ulat ni Danira Gabriel