Umaapela ng tulong ang pamilya ni Mary Jane Veloso kay Pangulong Rodrigo Duterte na tulungan itong makatestigo laban sa umano’y kanyang mga recruiters na sina Cristina Sergio at Julius Lacanilao.
Ito ay matapos na maglabas ng desisyon ang Court of Appeals na hindi pahintulutan na magbigay ng testimonya si Veloso sa pamamagitan ng deposition.
Sa panayam ng Balitang Unang Sigaw sa telepono kay Atty. Edre Olalia, Presidente ng National Union of Peoples’ Lawyers o NUPL na tumatayong counsel ni Veloso, sinabi nito na pinanigan ng CA ang petisyon ng mga akusado kaugnay ng deposition ni Veloso sa dahilang ito daw ay aplikable lamang sa civil case at hindi sa criminal case at mawawalan na umano ng pagkakataon upang icross examine si Veloso.
Giit ni Atty. Olalia dahil sa ekstra-ordinaryong sitwasyon ni Mary Jane ay nararapat na maging “flexible” ang batas at humanap ng ibang pamamaraan upang makatestigo ito.
Ang deposition ay isang proseso ng pagbibigay ng sinumpaang testimonya sa labas ng korte upang magamit bilang ebidensya. Ito ay naglalaman ng mga katanungan na kinakailangang sagutin ng testigo sa harap ng mga opisyales tulad ng consulate at judge.
Dahil dito, magsusumite aniya sila ng motion for reconsideration sa DOJ o Department of Justice, kinokonsidera din nila ang panibagong kampanya upang mabigyan ng klemensiya si Mary Jane.
Dagdag nito, ang magiging epekto ng desisyon ng CA ay una, maaaring ituloy ang paglilitis sa kaso laban kina Sergio at Lacanilao ng hindi nakukuha ang testimonya ni MJ, pangalawa, maaaring hintayin ang sagot sa motion for reconsideration na isasampa ng kampo nito, at pangatlo, ay maaaring ituloy nalang ang paglilitis ng walang testimonya at magbibigay na ng hatol.
Sa Indonesia naman aniya ay walang kasiguraduhan kung ano ang magiging reaksyon ng mga ito dahil ang naging batayan naman aniya ng pagbibigay ng reprieve kay Mary Jane ay upang bigyan ng pagkakataon na makapagbigay ito ng testimonya laban sa dalawang umano’y recruiter nito.
Nanawagan naman si Darling Veloso, kapatid ni Mary Jane, sa mga sumuporta noon sa laban ng kanyang kapatid na muli silang samahan at muling makiisa sa muling pag-iingay upang muling mabigyan ng klemensiya si MJ.—Ulat ni Jovelyn Astrero