Umabot na sa tatlumpo’t syam na Shared Service Facility o SSF ang naipamahagi ng Department of Trade and Industry o DTI sa mga Small and Medium Enterprises o SMEs simula taong 2013 hanggang 2014, na nagpaangat sa kalidad ng kanilang mga produkto at nagpalawak pa sa kanilang negosyo.

Ang mga SSF na ito ay nagkakahalaga ng mahigit sa dalawampong milyong piso (P20M).

Isa ang MNK Gabay sa Pangkabuhayan sa nagbahagi kung paanong nakatulong sa kanila ang SSF mula sa DTI na nakatuwang nila sa paglago at paglawak ng kanilang negosyo.

Ayon kay Emerenciana M. Suyat, Presidente ng MNK Gabay sa Pangkabuhayan, kung dati ay hirap ang mga ito sa pagpapatuyo ng water lily sa kalsada, ngayon sa tulong ng Solar Dryer ay mas napadali na ang kanilang trabaho.

Sa tulong pa rin ng SSF ay nadagdagan ang kanilang produkto, mula sa paggawa ng mga bags ay pinag-aaralan na rin nila ang paggawa ng santol at tomato candy, at pagpapatuyo ng daing.

Maliban sa solar dryer ay napagkalooban din sila ng 3 units ng sewing machine para sa upgrading ng kanilang mga produktong bags na gawa sa water lily.

Dahil sa tulong at gabay ng DTI sa kanila ay patuloy aniya silang magsisikap upang mapaganda at mapataas ang kalidad ng kanilang mga produkto tungo sa kanilang pag-unlad at hindi susuko sa kabila ng kritisismong natatanggap mula sa iba.

Ibinahagi din ni Roberto Gaid, Chairman ng Parista Barangay Defense System-MPC kung paanong napa-unlad ng SSF ang kanilang negosyo.

Sa panayam kay Provincial Director Brigida Pili, sinabi nito na may nakalinya ng limang SMEs na maaaring mapagkalooban ng SSF para sa susunod na taon.

Sa ulat ng DTI dalawampu’t apat sa mga SSF ay Operational, labing tatlo ang Partially Operational at isa ang Non-Operational, komento dito ni Pili bagaman nalulungkot ito na hindi lahat ay fully operational ay maaari naman aniyang mabigyan ito ng solusyon sa pamamagitan ng mga pagpupulong.—Ulat ni Jovelyn Astrero