Mensahe ng inspirasyon ang isinalubong ni Governor Czarina “Cherry” Domingo-Umali ngayong bagong taon para sa mga empleyado ng Pamahalaang Panlalawigan ng Nueva Ecija sa ginanap na unang flag raising ceremony ngayong 2018.

Sa hangaring mahikayat ang mga kawani na mas pag-ibayuhin pa ang pagseserbisyo ng matapat at may malasakit sa mamamayang Novo Ecijano ay ibinahagi ng gobernadora ang kahulugan ng bawat letra ng salitang “NGITI”.

Natutunan niya aniya ito sa Municipal Social Welfare and Development Officer ng bayan ng Quezon na nagbigay ng mensahe sa dinaluhan niyang pagtitipon ng mga senior citizen.

Si Gov Cherry habang binabati ang mga empleyado ng kapitolyo.

Matatandaan na taong 2016 pagkaupo pa lamang sa katungkulan ni Governor Cherry Umali, pangunahing alituntunin na ipinatupad nito sa kapitolyo ang “service with a smile” o pagbabawal sa pagsimangot ng mga empleyado habang nagbibigay ng serbisyo sa mga Novo Ecijano.

Muli rin nitong ipinaalala ang prinsipyo ng pagbibigay malasakit sa kapwa na naging panuntunan ng pamahalaang panlalawigan sa pagseserbisyo sa ilalim ng kanyang pamumuno.

Matapos ang programa, hinarap at pinaunlakan ng gobernadora sa loob ng kanyang opisina ang pagbati at pagpapakuha ng larawan sa kanya ng mga empleyado at mga bisita, isa na ang grupo ng Nueva Ecija Police Provincial Office sa pangunguna ni Provincial Director Eliseo Tanding.

Kasunod nito ang paggagawad ni Gov Cherry at Vice Mayor Anthony Umali ng pagkilala at reward kay G. Jun Galang, tricycle driver ng Mc Donald’s Sanciangco, Cabanatuan City na nagsauli sa kanyang pasahero ng naiwanan nitong halagang isandaang libong piso.

Para sa ina ng lalawigan ang katapatan at pagmamalasakit sa kapwa na ipinamalas ni Jun sa kabila ng kahirapan ay kahanga-hanga at nararapat na magsilbing inspirasyon sa mga Novo Ecijano.- ulat ni Clariza de Guzman