
Ang loob ng Gift Power Plant Sub-Station sa Bacal II, Talavera kung saan nakuryente ang electrician na si Reggie Dote at helper na si Jayson Padua.
Patay ang dalawang electrician matapos makuryente habang nagtatrabaho sa Gift Power Plant Sub-Station sa barangay Bacal II, Talavera.
Kinilala ang mga biktimang sina Reggie Dote y Relamida, 32-anyos, may asawa, residente ng Taloto, Tagbilaran City, Bohol; at Jayson Padua y Salvador, 22, binata, naninirahan sa San Agustin, San Jose City, Nueva Ecija.
Base sa imbestigasyon ng Talavera Police Station, 12:30 ng tanghali, nag-iinstila ng grounding cluster sa itaas ng power plant si Dote nang aksidenteng makuryente.
Sinubukang tulungan ni Padua si Reggie ngunit maging siya ay nakuryente rin kaya sabay silang nahulog sa lupa at binawian ng buhay.
Gen. Natividad- natagpuan sa loob ng isang inabandonang van ang bangkay ng dalawang lalaki sa barangay Mataas na Kahoy.

Sa loob ng inabandonang van natagpuan ang bangkay ng 2 lalaki.
Nakilala ang mga biktimang sina Resito dela Cruz y Benavidez, 45-anyos, may-ari ng isang internet shop; at Alvin Libed y Binuya, trenta’y syete, binata, computer technician, at kapwa residente ng Calocan, San Jose City.
Ayon kay Mario Liwag, barangay Tanod sa Mataas na Kahoy, 6:00 ng umaga nang matuklasan niya ang van na nakaparada sa kalsada kung saan nakita ang dalawang biktima na sinakal ng wire ang mga leeg, binalutan ng packaging tape ang mga kamay at iginapos sa likod, gayundin ang mga paa na itinali ng alambre.
Narekober ng SOCO sa loob ng sasakyan ang isang plate number, kopya ng rehistro na nakapangalan kay Fernando Domingo, isang nakarolyong aluminum foil, mga gamit na aluminum strips, apat na lighter, at isang cellphone.

Pinagbabaril ng suspek na sakay ng isang motorsiklo ang cable installer na si Oliver Bote habang nakikipag-usap sa kanilang subscriber.
Penaranda- nabigong mapaslang ng hindi nakilalang suspek ang isang kolektor at installer ng isang cable TV sa barangay Sinasajan.
Hanggang sa isinusulat ang balitang ito ay kritikal ang kalagayan ng biktimang si Oliver Bote y Amis, 37-anyos, may asawa, nagtatrabaho sa Sky Movie Philippines CATV.
Habang ang gun man na nakasakay sa isang kulay red na wave type motorcycle ay inilarawang nakasuot ng black jacket, itim na short pants, naka-sun glasses, at bull cap.
Batay sa report ng Penaranda Police Station, 9:30 ng umaga, kausap ni Bote ang kanilang subscriber na si Efren Caballero sa bahay nito tungkol sa signal ng cable nito nang dumating ang suspek sakay ng isang motorsiklo.
Bigla na lamang nitong pinagbabaril ang biktima sa iba’t ibang bahagi ng katawan gamit ang isang caliber .9mm na baril at pagkatapos ay mabilis na tumakas.- ulat ni Clariza de Guzman.