Opisyal nang idedeklara sa darating na Sept. 16, 2015 bilang himlayan ng nag-iisang relic ng Banal na Mukha ni Hesukristo sa buong Asya  ang simbahan ng Immaculate Concepcion sa bayan ng Nampicuan.

Ayon kay Rev. Fr. Christian Magtalas, ito ang kauna-unahang anibersaryo ng pamamalagi ng Banal na Mukha sa kanilang simbahan matapos itong dalhin ni Rev. Fr. Carmine Cucinelli Rector ng Shrine and Basilica of the Holy Face of Manoppello, Itally, sa tulong na rin ng pamilya Alzate na kapwa mga residente rin ng nasabing bayan.

Dahil dito, pagmamalaki ng ilang tagapangalaga ng Banal na Mukha, na bagaman itinuturing na isa sa mga pinakamahirap na bayan sa lalawigan ang Nampicuan, ay mula nang dalhin ito sa kanilang lugar ay ito na umano ang pinakaswerte at pinakapinagpalang bayan sa buong bansa maging sa buong asya dahil sa pananatili ng Holy Face of Jesus Christ dito.

Ang telang pinagmarkahan ng Holy Face of Jesus Christ na kasing laki ng panyo ay pinaniniwalaan ng mga Katoliko na nakapatong sa mukha ni Hesus ng siya ay mabuhay na muli makaraan ang tatlong araw na pagkamatay sa krus.

Dagdag rin ni Fr. Magtalas, na marami nang pag-aaral ang isinagawa sa nasabing tela upang patunayan na ito ay authentic o totoo at hanggang sa kasalukuyan ay misteryo pa rin kung paano perpektong nagmarka ito sa napakanipis at imposibleng kapitan o sulatan ng kahit ano mang tinta.

Samantala, inaasahan naman na darating sa nasabing petsa ang ilang ambassador mula sa Italya maging si Cardinal Archbishop Luis Antonio Tagle upang saksihan ang pormal at opisyal na pagdedeklara bilang sanctuary of the Holy Face of Jesus Christ in Asia ng Immaculate Concepcion Parish.- Ulat ni Mary Joy Perez