Nagkaroon ng pagdududa ang Provincial Legal Office sa autentisidad ng pahayagang Dahong Palay dahil sa pagkakamali umano ng publisher nito sa pagmamarka ng mga pahina.
Matatandaan na ipinalathala sa Dahong Palay ang ordinance number 037-2014 o ang revision ng fair market values ng real properties sa Cabanatuan City na sinasabing magtataas ng amilyar sa lungsod mula 600% hanggang 800%.
Base sa dalawang pahinang opinion ng Tanggapan ng Panlalawigang Pambatas na may petsang June 8, 2015 na isinumite sa Sangguniang Panlalawigan, natuklasan mula sa dalawang issue ng naturang dyaryo na may petsang October 5 at 12, 2014 na mali-mali ang pagkakalagay ng mga numero sa mga pahina nito.
Minarkahan ng page one ang unang pahina at page six naman ang huli. Samantalang ang bawat isang issue ng Dahong Palay ay may sixty-four pages.
Pagkatapos ng page four, dapat sana ay page five na ang kasunod. Ngunit makikita sa dalawang dyaryo na page one na naman ang nakamarka dito.
Hangga’t hindi umano napapatunayang kasama ang nabanggit na ordinansa at hindi isiningit lang nang i-release sa publiko ang dalawang issue ng Dahong Palay ay hindi makapagbibigay ng opinyon ang Provincial Legal Office na hinihingi ng SP kaugnay sa substantial aspect o nilalaman ng ordinance number 037-2014.- Ulat ni Clariza de Guzman