Masayang naiuwi ng CIC Kings ang kampeonato para sa Men’s Basketball ng NECSL Season 6

Tinalo ng College of Immaculate Conception (CIC ) Kings ang Wesleyan University Philippines (WUP) Riders sa score na 114-110 sa Game 2 ng kanilang best-of-three Finals series ng NECSL Men’s Basketball noong Martes na ginanap sa WUP Gymnasium.

Ito ang kauna-unahang pagkakataon na nasungkit ng Kings ang titulo matapos ang limang season ng palaro.

Pinarangalan bilang Finals MVP at 1st mythical 5 ang pointguard/shooting guard na si Nicko Fajardo na  gumawa ng 59 points, 12 rebounds, 6 assists, at 3 steals sa Game 1 and Game 2 ng Finals.

Kasama rin ni Fajardo sa 1st mythical five sina Ingusan, Umali ng WUP, Goduco ng CIC at Villanueva ng CRT.

Napabilang naman sa 2nd mythical five sina Sarmiento at Arenas ng MVGFC, Martin ng CIC, Corpuz ng WUP at Santos ng CRT.

1st mythical 5 and 2nd mythical 5 ng NECS Season 6 Men’s Basketball

Dikit ang naging laban ng Kings at Riders simula 1st quarter hanggang sa apat na minuto ng 4th quarter, sa score na 92-91.

Bagamat malaki ang lamang ng CIC sa WUP sa pagtatapos ng 4th quarter, 114-110, nahirapan pa rin ang CIC players.

Ayon kay Ronnie Amoncio, Head Coach ng CIC, man to man at trap defense ang kanilang naging bentahe para maipanalo ang laban.

Nag-ambag ng 36 points si Fajardo, 23 points naman si Goduco at 16 points si Martin sa ginanap na laban.

Samantala, proud naman sa mga players ang Team Manager ng WUP na si Eduard Santiago dahil sa pinakitang galing ng mga ito.

Ayon sa kanya, maganda ang play na pinakita ng mga manlalaro ng CIC at tanggap nila ang kanilang pagkatalo.

Nanguna naman sa WUP Riders sina RJ Belmonte na umukit ng 22 puntos habang 20 puntos naman ang iniambag ni Jeremy Ingusan para sa Game 2 ng Finals.- Ulat ni Shane Tolentino