Gaano man kasakit ang pagpanaw ng kanilang mahal sa buhay ay maluwag sa loob na inihatid ng kanyang pamilya sa huling hantungan ang kapitan ng barangay Villa Ofelia, Cabanatuan City.

Sa opisyal na pahayag ng pamilya Ventosa sa pamamagitan ni Laarni Ventosa, hipag ng pinaslang na si Kapitan Jeric Ventosa ay pasasalamat ang ipinaabot nito sa mga kaanak, kapwa lingkod bayan, mga kaibigan at kabarangay na sumuporta at nakiramay sa kanilang pagdadalamhati.

Inalala ng kanyang mga magulang, kapatid at mga anak si Kapitan Jeric bilang isang simpleng tao at matulungin sa mga nangangailangan.

Ang huling sulyap ng mga naulila ni Kapitan Jeric Ventosa bago ito inihatid sa kanyang huling hantungan

Ganap na alas onse ng umaga noong Byernes, October 12, 2017 nang ihimlay ang mga labi ni Kapitan Jeric sa Eternal Gardens Cemetery sa barangay Sta. Arcadia, Cabanatuan.

Bago ang libing at parangal, isang misa muna ang inialay para sa kapayapaan ng kaluluwa at mga naiwan ng punong barangay kasunod ang may kalahating oras na prusisyon mula sa simbahan ng Villa Ofelia patungong sementeryo.

Matatandaan na si Kapitan Ventosa kasama si Neilson Espiritu ay pinagbabaril ng mga hindi nakilalang suspek habang sakay ng kulay gray Toyota Vios noong October 6, 2017 alas kwatro dos ng hapon sa Maharlika Highway, Cabanatuan City.- ulat ni Clariza de Guzman