Dahil sa nakaambang panganib dulot ng muling pagguho ng kabundukan ng Sierra Madre tuwing tag-ulan, ay naghanap ng ibang malilipatan ang mahigit na apat na raang mamamayan ng Bayan ng Gabaldon, ngunit sa halip na kaligtasan ay nauwi ito sa hindi inaasahang trahedya, kung saan apat sa kanila ang nagbuwis ng buhay.
Kwento ni “Beth”, hindi tunay na pangalan, kasalukuyan silang nagtatayo ng kubo sa Lot 28 ng Fort Ramon Magsaysay Military Reservation nang makarinig sila ng mga putok ng baril, dahilan upang magtalunan ang mga ito sa paligi.

Mga naulilang anak ni Eligio Barbado, isa sa apat na magsasakang minasaker sa Bayan ng Laur, na humihingi ng hustisya sa sinapit ng kanilang ama.
Matapos aniya ang isang oras na pagpapaulan ng bala ng mga hindi nakilalang armadong kalalakihan, ay natagpuan na lamang nila ang apat sa kanilang mga kasamahan na wala ng mga buhay.
Nagbanta umano sa isa sa kanilang kasamahan ang caretaker ng sinasabing kasalukuyang nakaposisyon sa Lot 28 na si “Col. Rigor”, ilang araw bago maganap ang karumal-dumal na sinapit ng apat na biktima.
Inihatid na sa huling hantungan sa magkakaibang araw ang mga biktimang sina Eligio Barbado, Violeta Mercado, Emerencia dela Rosa, at Gaudencio Bagalay, habang umaapela naman ng tulong at sumisigaw ng katarungan ang kanilang naulilang pamilya.

Hindi akalain ng mag-inang sina Aling Angelita at Lolita na sa paghahanap ng malilipatan ay kamatayan ang sasapitin ni Mang Gaudencio Bagalay, isa rin sa biktima sa masaker sa Laur.
Ayon kay Aling Angelita Bagalay, pangarap ng kanyang asawang si Mang Gaudencio na maialis sila sa kanilang lugar dahil sa traumang pinagdaanan nang masaksihan nila ang pagguho ng malalaking bato paibaba sa kanilang mga tirahan.
Hindi umano nila sukat akalain na sa paghahanap nila ng kaligtasan at bagong pagsisimulan ng kanilang buhay ay kamatayan ang sasapitin ng kanilang kapamilya.
Samantala, sa kanyang facebook account ay ipinahayag ni Department of Agrarian Reform Secretary Rafael Mariano, ang kanyang pakikidalamhati at pakikiramay sa sinapit ng apat na magsasaka, at sinabing paiimbestigahan ang naturang insidente.
Sa isa pang post nito, sinabi niya na kinokondena nito ang karahasan at pagpatay sa mga magsasaka at nananawagan para sa hustisya para sa mga naulilang pamilya ng mga biktima.
Napag-alaman na noon pa dapat naipamahagi ang 3, 100 ektaryang lupain ng Fort Ramon Magsaysay Military Reservation sa 6, 000 magsasaka sa bisa ng 1991 Deed of Transfer sa pagitan ng Department of National Defense at Department of Agrarian Reform.
Ang lupaing ito ay dapat na ibinigay sa mga magsasakang walang lupa at mga biktima ng pagputok ng bulkang Pinatubo sa Pampanga sa ilalim ng Comprehensive Agrarian Reform Program o CARP noong November 5, 1991, sa ilalim ng Administrasyong Corazon Aquino. -Ulat ni Jovelyn Astrero