
Dinaluhan ng mga Cultural Icons, National Commission for Culture and the Arts, at ng Nueva Ecija Tourism Board , ang kauna-unahang ‘Katutubo Art Exhibit’ sa lalawigan na tampok ang mga likha ni Pamela Gotangco na ginanap noong July 25, 2019 sa Harvest Hotel Ballroom, Cabanatuan City.
Ayon kay Pamela Gotangco ang kaniyang adbokasiya ay ang pagpapalakas ng kababaihan partikular ng ‘Indigineous Women’ dahil nais niya umanong magbigay pugay sa mga ito na may mga malaking gampanin at ambag sa lipunan at nagpasimula ng mga tradisyon sa ating bansa.

Ang kaniyang mga obra maestra aniya ay literal na pyesa mula sa ‘Mother Land’ dahil nagmula pa umano ito sa mga lahar ng Mount Pinatubo sa Pampanga at iba pang parte ng Pilipinas.
Layunin aniya ng exhibit na makaukit ng koneksyon at makaiwan ng kaalaman sa mga manonood partikular sa mga bagong henerasyon patungkol sa kasarinlan, alamat at istorya ng bansa.
Ginawaran naman ng International Visual Artiste Par Excellence Award si Gotangco ni Mayor Trina Andres ng Rizal bilang pagkilala sa pagiging tubong Rizalenyo.
Buhay na buhay naman ang Sining at Kultura sa lalawigan ayon kay Armando Giron, Founder ng Giron’s Botanic at Galery A na nag organisa ng Art Exhibit dahil nakapagtanghal na umano ang international artist sa sarili nitong bayan.
Si Pamela Gotangco-Hupp ay isang Filipino Painter at visual artist na tubong Rizal. Graduate ng Bachelor of Arts in Communication sa Mirriam College at tinaguriang ‘Woman of Greatness’ sa kaniyang henerasyon at kinilala bilang isa sa pinakamaimpluwensyang Filipina noong 2018.
Ang kaniyang mga likha ay nakatanggap na ng iba’t ibang parangal sa Switzerland at iba pang mga bansa. Ibinandera rin ang kaniyang mga likha sa mga kilalang museums at galleries abroad katulad ng Time Square sa New York, Art Basel sa Miami, SCOPE Basel, Saatchi Gallery sa London, at Art Shopping sa Carrousel du Louvre sa Paris.

Sa ngayon ay may proyekto si Gotangco na tinawag na ‘Empowering women through Self Care’ na namimigay ng mga Self care products at kits para suportahan ang kababaihan na maging maganda mapanloob at panlabas na kaanyuan, bukod dito ay nag aabot rin sila ng mga gamit pang eskwela para sa mga kabataang Tboli sa bansa.-Ulat ni Getz Rufo Alvaran