Nagsagawa ng orientation ang Department of Education ng Nueva Ecija para sa mga pampubliko at pribadong guro ng senior high school students kaugnay ng paghahanda sa implementasyon ng subject na work immersion ngayong second semester ng school year 2017-2018.

Dumalo ang mga pampubliko at pribadong guro ng Nueva Ecija sa isinagawang Orientation of Work Immersion and Monitoring and Evaluation of Senior High School sa Nueva Ecija Convention Center.

Ayon kay Regional Education Program Supervisor of Senior High School Wendell Cabrera, ito ay parte ng kurikulum ng Senior High School kung saan ang mga mag-aaral ay kailangang sumailalim sa Work Immersion o pagpunta sa mga industriya upang makita ang aktwal na sitwasyon ng pagtatrabaho  bago ang kanilang graduation.

Dagdag pa ni Cabrera, layunin nito na mabigyan ng orientation ang mga mag-aaral kaugnay sa mga work process at upang malinang ang kanilang mga work attitude, ethics at values na kinakailangan sa industriya ng pagtatrabaho.

Ipinaliwanag din ni Cabrera na iba ang work immersion sa on the job training o OJT sapagkat sa subject na ito ay mag-oobserba lamang ang mga mag-aaral na hindi katulad ng OJT na kinakailangan nilang aktwal na gumawa o gumamit ng equipment ng kompanya.

Ayon naman kay, Erwin Dorelo, Senior High School Focal Person ng DepEd Nueva Ecija, parte ng kanilang paghahanda ay ang pagsasagawa ng training sa mga guro sapagkat mahalaga rin na maging well-equipped ang mga ito. Nagkaroon na rin sila ng ugnayan sa Ateneo de Manila University para sa pagsasagawa ng mga training.

From L-R; Ronaldo Pozon, Ph.D., CESO IV, Arthur Sacatropes, Ph.D., Wendell Cabrera, Gov. Czarina Umali, Johanna Gervacio, Ph.D., Rhoda Razon, Board Member Jojo Matias sa pagbibigay ng certificate sa mga panauhing tagapagsalita.

Samantala, nakita ni Gov. Czarina “Cherry” Umali ang pagsisikap na ginagawa ng DepEd Nueva Ecija kaya naman magbibigay ng financial assistance ang pamahalaang panlalawigan na ilalaan para sa training ng mga guro.