Bahagyang nagkairingan ang kampo nina First Gentleman Atty. Aurelio Umali at 3rd District Congw. Ria Vergara sa isinagawang pangongolekta ng tatlumpu’t walong ballot boxes sa bayan ng General Natividad noong araw ng huwebes, Sept. 07, 2017.
Napansin kasi ng opisyal ng House Of Representatives Electoral Tribunal (HRET) na walang nakasulat na clustered precint number sa labas ng mga kahon na dapat ay makikita sa bawat balota. Bukod pa sa nakasulat na clustered precint number sa metal seal.
Tila hindi nagustuhan ni Atty. Harold Ramos, abogado ni Atty. Umali ang salitang binitawan ni Roswello Baltazar, kinatawan ni Congw. Vergara sa gitna ng pag-uusap nila ni Teofilo De Castro Jr. ng HRET.
Para pahupain ang pagtatalo, namagitan dito ang HRET at ipinaliwanag ang cons at pros ng gagawin nilang solusyon na ibase ang clustered precint number sa nakasulat sa metal seal.
Aniya, ito ang pinakamagandang solusyon “for the sake of retrieval.”
Matapos ang maikling pagtatalo ay nagkasundo rin ang magkabilang kampo.
Ayon kay De Castro, ang hindi pagkakaroon ng sulat sa labas ng mga ballot box ay hindi umano nangangaluhugan na ito ay nabuksan.
Aniya, malalaman lamang kung tugma ang mga takip at kahon, kapag naideliver at nabuksan na ang mga balota sa tribunal.
Ang bawat balota ay dapat makitaan ng isang metal seal at apat o limang plastic seal. Dapat ding nakapaskil sa metal seal at labas ng kahon ang clustered precint number na idinikit ng BEI o Board of Election Inspectors noong eleksyon.
Matapos suriin ang mga balota at paraphernalia ay isa-isa na itong isinakay sa truck at pansamantalang inilagak sa Provincial COMELEC sa Lungsod ng Cabanatuan na ineskortan ng grupo ng kapulisan ng PPSC.
Sa araw ng miyerkules, September 13, 2017 inaasahan na makokompleto na makolekta ang limang daan at dalawampu’t anim ng mga balota na mula sa mga bayan ng Gabaldon, General Natividad, Laur, Sta Rosa at Lungsod ng Palayan at Cabanatuan. -Ulat ni Danira Gabriel