Sa isinagawang pagpupulong ng Provincial Peace and Order Council para sa 3RD quarter ng 2017 ay sinabi ni Provincial Director Police Senior Superintendent Antonio Yara na bumaba ang bilang ng kaso sa index crimes o eight focus crimes kung saan kabilang ang theft, physical injuries, robbery, theft of motorcycle, murder, rape, homicide at carnapping.

Nagsagawa ng pagpupulong ang ng Provincial Peace and Order Council para sa 3RD quarter ng 2017 kasama ang punong lalawigan na si Gov. Czarina Umali.

   Ayon kay Yara, nagresulta sa pagbaba ng index crimes partikular na sa murder, homicide at rape cases ang pinalakas na kampanya ng kapulisan kontra sa iligal na droga.

Iniulat ni Provincial Director Police Senior Superintendent Antonio Yara ang comparative statistics ng eight focus crimes sa lalawigan noong 2016 at 2017.

Makikita ang pagkakakaiba sa bilang ng mga naitalang kaso mula January 1 hanggang August 31, 2016 at sa parehong buwan ngayong taon.

Bumaba ng 22.03% ang kaso ng theft. Mula sa 395 noong 2016 ay nabawasan ito ng 87 na kaso.

Sa Physical injuries naman ay nagkaroon ng 1.75% na pagtaas kung saan nadagdagan ng limang kaso ang bilang na 286 noong nakaraang taon.

Nadagdagan din ng 8.90% ang kaso robbery at 4.28% naman ang itinaas ng theft of motorcycle.

Samantala, 31.90% ang ibinaba ng kaso ng murder. Ang 163 na kaso na naitala noong nakaraang taon ay nabawasan ng 52 na kaso.

Bumaba rin ng 5.47% ang kaso ng rape na mula sa bilang na 128 ay naging 121.

Habang ang homicide ay bumaba ng 28% at 75% naman ang ibinanba ng kaso sa carnapping.

Sa kabuuan ay nagkaroon ng 9.30% na pagbaba sa 8 focus crimes kung saan ang bilang na 1,440 noong 2016 ay naging 1,306 ngayong 2017.

Sa Anti-Illegal Drug Double Barrel: Reloaded naman ay umabot na sa 80,388 na kabahayan ang kanilang nabisita at 11,447 na drug personalities na ang sumuko sa mga police stations at local government mula March 1 hanggang August 22, 2017.

Sa 3,959 na bilang naman ng mga operasyong kanilang isinagawa ay naaresto ang 6,084 drug personalities at umabot sa 278 ang bilang ng mga namatay habang isinasagawa ang police operations.

Ipinahayag din ni Yarra na nakatanggap ng parangal na Most Number of High Value Target o HVT Arrested ang Nueva Ecija mula sa Police Regional Office 3 sa nakaraang Police Service Anniversary. Aniya, naaresto ng lalawigan ang 83 na HVT mula January hanggang sa kasalukuyan ngayong 2017. Ito ang pinakamaraming bilang hindi lamang sa buong rehiyon ngunit pati sa buong bansa. –Ulat ni Irish Pangilinan