Dahil malapit na ang kapaskuhan na panahon ng bigayan, may bagong pagkakakitaan ang mga kababaihang miyembro ng Tanglaw at Lakas ng Cabanatuan City; ang pananahi ng mga bag na pinaglalagyan ng munting regalo ng Pamahalaang Panlalawigan ng Nueva Ecija.
Isandaan at dalawampo’t walong kababaihan na marunong manahi at may sariling makina ang napiling benepisyaryo ng bag making project sa ilalim ng Malasakit Livelihood Program ng pamahalaang panlalawigan sa pamumuno ni Governor Czarina Umali.
Sa ginanap na orientation and distribution of materials, ipinaliwanag ni Elizabeth Bernardo ng Provincial Cooperative and Entrepreneurship Office na 60, 000 bags ang target na ipagawa sa mga mananahi hanggang sa buwan ng November.

Si Helena Garcia ang Presidente ng Federated TALA habang inaabot sa kababaihan ang materyales sa paggawa ng bag.
Libre ang tela, handle ng bag at sinulid. Nagkakahalaga naman ng Php10.00 ang ibabayad kada bag na magagawa. Lingguhan ang pagpapamudmod ng materyales, pagkolekta sa mga natahing bag at pagbabayad sa labor.
Ayon kay Helena Garcia, Federation President ng TALA Cabanatuan, sa kasalukuyan ay umaabot na sa anim na libong kababaihan ang kanilang miyembro na itinatag noong taong 2011.
Bukod sa bag making ay may iba pang mga proyektong pangkabuhayan ang nakapaloob sa Malasakit Program kaya naman lubos ang pasasalamat ng kababaihan ng Cabanatuan sa gobernadora dahil sa patuloy na pagbibigay sa kanila ng suporta.- ulat ni Clariza de Guzman