Sabay-sabay na pinutol ng mga pulis ng Nueva Ecija Police Provincial Office (NEPPO) ang mga stick ng sigarilyo bilang tanda ng tuluyang pagtalikod sa bisyo sa oras ng kanilang trabaho sa paglulunsad ng Smoking Cessation Program ng NEPPO.

Ayon kay Provincial Director Police Senior Superintendent Eliseo Tanding, layunin nito na maitaas ang kamalayan ng publiko ukol sa pagbibigay ng proteksiyon sa kalusugan at maitatag ang smoke free environment sa PNP.

Aniya, ang bawat isa ay may karapatan na magkaroon ng malusog na pamumuhay.

Halos isang daan at limampung uniformed at non-uniformed na pulis ang boluntaryong nanumpa at lumagda na titigil na sa paninigarilyo.

Ang sinumang lalabag ay oobligahin na dumaan sa seminar ukol sa masamang epekto ng paninigarilyo. Habang sa ikalawang paglabag, ang mahuling sumuway sa Republic Act No 9211 o “Tobacco Regulation Act of 2003” at Republic Act No 8749 o ang tinatawag na “The Philippine Clean Air Act of 1999” ay nahaharap sa kasong administratibo alinsunod sa NAPOLCOM Memorandum Circular No. 2016-002 at revised rules ng Civil Service.

Sa pahayag ni Police Senior Inspector Jacquiline Gahid, Chief ng NEPPO-Public Information Office, upang makasiguro na magiging epektibo ang programa ay tuluyan na ring tinanggal ang smoking area sa mga opisina.

Ang programa ay batay din sa Executive Order (EO) ni Pangulong Rodrigo Duterte na nagbabawal sa pagsisigarilyo sa mga pampublikong lugar sa buong bansa. –Ulat ni Danira Gabriel