Nakolekta na ang tatlumpo’t tatlong ballot boxes at iba pang election paraphernalia mula sa bayan ng Gabaldon at pansamantalang inilagak sa Provincial COMELEC kahapon, habang hinihintay pang makolekta ang iba pang ballot boxes mula sa dalawang Lungsod at tatlo pang Bayan sa 3rd District ng Nueva Ecija, bago dalhin at bilangin sa House of Representative Electoral Tribunal.
Ang pangongolekta ng mga ballot boxes ay bunsod ng electoral protest na inihain ni Former Governor Aurelio Matias Umali laban sa nakaupong si 3rd District Congressman Rosanna Vergara.
Upang matiyak na hindi nabuksan ang mga ballot boxes matapos ang naging bilangan noong 2016 elections ay ipinakita sa mga kinatawan ng magkabilang panig ang mga selyadong mga kahon at isa-isang sinuri ang mga seal numbers sa bawat kahon.
Bawat ballot boxes ay mayroong isang metal seal at limang plastic seal, maliban pa sa packaging tape na nakapalibot sa takip nito, dalawang ballot box ang nakitaan ng tig-isang broken plastic seal.
Matapos nito ay isa-isang isinakay sa truck ang mga ballot boxes at isinunod naman ang iba pang election paraphernalia at ibiniyahe patungo sa Provincial COMELEC sa Lungsod ng Cabanatuan na ineskortan ng grupo ng kapulisan ng PPSC.
Inaasahan na sa September 12 ay mauuna nang maipadala sa HRET ang mga balota mula sa Gabaldon, General Natividad, Laur, Sta. Rosa at Palayan City dahil hindi kayang maaccomodate ng Provincial COMELEC ang lahat ng mga ballot boxes, at sa September 13 naman isusunod ang mga ballot boxes mula sa Cabanatuan City.
Itinuturing ng mga abogado ni Dating Governor Oyie Umali na puntos sa kanilang panig ang pagkolekta ng HRET sa mga ballot boxes at muling pagbilang ng mga boto sa Ikatlong Distrito.
Ibig sabihin kasi nito ay nakitaan ng tribunal ng anomalya ang nagdaang eleksyon para sa pagka-kongresista.—Ulat ni Jovelyn Astrero