Sa araw-araw na pagpasok sa eskwela ni Joanna Navarro, residente ng Cabanatuan at kasalukuyang 5th year student ng Bachelor of Civil Engineering, ang pagsakay sa tricycle ang isa sa kaniyang mga kalbaryo.

Dahil aniya mataas maningil ng pasahe ang mga tricyle driver dito.

Kaya ang ginagawa niya, bago sumakay ay nakikipagkontrata muna siya sa mga driver sa halagang P20.

Sa kagaya ni Joanna na isang estudyante, malaking bagay ang bawat pisong matitipid sa kaniyang baon.

Kaya naman, sigurado, na isa siya sa mabebenepisyuhan sa inihain sa Sangguniang Panlungsod na panukalang pag-amyenda sa Section 1 ng Ordinance No. 2001-029 or “An ordinance regulating tricycle fares in the City of Cabanatuan.”

Ayon kay Vice Mayor Anthony Umali, taong 2007 at 2008 pa huling na a-amyendahan ang naturang ordinansa.

Napapanahon na aniya upang kontrolin at ilagay sa tama ang singil ng pasahe sa mga tricycle upang maproteksiyunan ang mga mananakay sa tinaguriang “Tricycle Capital ng Pilipinas”.

Ang ordinansa ay inilipat sa pag-aaral ng Committee on Laws, Rules and Regulations at Committee on Public Utilities and Facilities.

Nakatakda naman magkaroon ng Public Hearing sa araw ng Martes, September 05, 2017 na gaganapin sa Session Hall, City Hall ng Cabanatuan. -Ulat ni Danira Gabriel